Marami ang nagulat at naaliw, bukod pa sa nag-viral ang video na makikita ang isang sundalong "Hapon" na nagbibisikleta sa Makati. Ang naturang "Hapon," kaya palang mag-iba-iba ng hitsura sa pamamagitan ng costume at sumasali rin sa marathon.
Sa ulat ng GMA Integrated News na "FYP," ipinakita ang video na kuha ni Bokyo Tom, sa lalaking suot ang uniporme ng sundalong Hapon noong World War II habang nagbibisikleta sa Makati.
Kuwento ni Bokyo, car free ang kalsada sa Ayala kapag Linggo at nakasabay niyang nagbibisikleta ang sundalong Hapon, na hindi pala totoong Hapon kung hindi isang Pinoy actor.
Hindi raw inasahan ni Bokyo na magba-viral ang kaniyang video na para lang sana sa kaniyang mga kaibigan.
Ang sundalong Hapon sa video, nakilala na si Larry Ronquillo, 63-anyos, na isang "reenactor," o gumaganap sa mga pelikula at mga dula na na may kaugnayan sa kasaysayan ng bansa.
Ayon kay Larry, kasama siya sa mga sundalong Hapon sa Kapuso series na "Pulang Araw," at naisipan niyang magbisikleta nang araw na iyon na suot ang costume na Hapon para i-promote na rin ang serye.
Marami ang namangha sa pagiging detalyado ng kaniyang uniporme ng sundalong Hapon.
Ayon kay Larry, nahilig siya sa pagko-costume dahil na rin sa mga nakikita at naisuot niya sa mga nasalihang proyekto.
Marami raw ang natutuwa at natututo tungkol sa kasaysayan ng bansa dahil sa kaniyang ginawang pagsusuot ng mga costume.
Gayunman, mayroon din namang hindi natutuwa sa pagsuot niya ng uniporme ng Hapon dahil tila pinapaalala raw ni Larry ang ginawang pananakop noon ng Japan sa Pilipinas.
"Siyempre hindi naman pupuwede na puro Amerikano lang ang nandoon. Walang istorya kung wala rin yung Hapon," paliwanag niya.
Napag-alaman din sa kaniyang edad, sumasali rin siya sa mga marathon at nagsusuot siya ng costume gaya ng pagiging probinyano, pulubi, at iba pa.
Bukod sa pagsusuot niya ng costume, masaya si Larry dahil nagagawa pa rin niyang makapagbisikleta sa kaniyang edad.--FRJ, GMA Integrated News