Bukod sa mahusay sa paghahatid ng mga balita, makikita rin ang kagandahan ng mga broadcast journalist ng GMA Integrated News na sina Pia Arcangel at Connie Sison. Ikinonsidera kaya ng dalawa na mag-artista noon?
Sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles, pinuri ni Tito Boy ang kagandahan nina Connie at Pia, at binanggit ang obserbasyon ng ilan na kahawig pa ni Connie si Aiko Melendez.
“Parati ko pong sinasabi, thank you po kasi nagagandahan din ako sa kaniya,” saad ni Connie.
Kuwento ni Connie, limang-taong-gulang siya noon nang maimbitahan lumabas sa isang pelikula na pinagbidahan ni Coney Reyes.
"Hindi ako kasali sa script kaya lang nandoon ako. Nakita nilang naglalaro ako sa gilid. Sabi ng direktor 'kunin mo na 'yan, kunin mo na 'yan. Kunwari na lang may anak sila,'" balik-tanaw ni Connie.
"So ako naman, wala akong kamuwang-muwang. Ang sabi nila mag-smile lang ako. Eh 'di smile-smile lang ako. But that was it. That was it for me," pagpapatuloy niya.
Napag-alaman na pamangkin ni Connie ang Kapuso actor na si Martin del Rosario. At sumubok din sa showbiz ang kaniyang kapatid, sinabi ni Connie na hindi para sa kaniya ang acting.
"Never talaga. Kasi sa totoo talaga, mahiyain talaga ako. Actually kami sa family, mga kapatid ko, mahiyain kaming lahat. But because I'm in this industry [media], kinailangan ko. I mean siguro mayroon din akong talagang innately… na mayroon din akong kakapalan sa pagko-cover dapat. Meron ka dapat guts ‘di ba?," paliwanag niya.
Samantala, ikinuwento naman ni Pia na minsang sinubukan ng kaniyang ina na ipasok siya bilang commercial model noong sanggol pa lamang siya.
"Isinali raw ako ng mommy ko sa isang pa-contest. Parang naghahanap sila ng model for a baby powder. Tapos sinubmit niya 'yong picture ko pero hindi ako nakuha dahil masyado daw mataba," pag-alala ni Pia.
"Noong naalala ko 'yon, sabi ko 'Ayoko na ngang mag-audition ng kahit ano,'" dagdag ni Pia, na sinabing hindi rin niya ikinonsiderang pumasok sa showbiz dahil hindi niya forte ang acting.
"Hindi ko kaya 'yong iiyak. Baka wala talaga 'yong talent," sabi niya.
Kasalukuyang anchor si Connie ng “Balitanghali” kasama si Raffy Tima, at host ng medical program ng GMA Public Affairs na Pinoy MD.
Samantala, co-anchor naman si Pia sa “24 Oras Weekend” at “Saksi.” May podcast din siya na Surprise Guest with Pia Arcangel.-- FRJ, GM Integrated News