Bayani na maituturing ang isang babaeng nursing student sa Libona, Bukidnon matapos niyang sagipin ang buhay ng isang batang lalaki na aksidenteng nasakal sa lubid ng pinaglalaruang duyan sa loob ng kanilang bahay. Ang estudyante, nagsagawa ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) para ma-revive ang biktima.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Martes, sinabing kaagad na sumaklolo sa insidente ang kapitbahay ng 7-anyos na biktima na si Julla Angela Daculiat, nursing student sa Bukidnon State University.
Inamin ni Daculiat na nag-panic din siya sa simula nang makita niya ang biktima na wala nang malay. Pero nagpakatatag siya ang nagsagawa ng CPR sa bata upang i-revive ito.
“Pag tan-awon nimo ang bata, ang iyang mata, wala na siyay control… iyang lips kay luspad na… kulbaan gyud kaayo ko… nag-panic na gyud ko ato… pero need nako i-compose akong self, mao to nagpadayon gyud ko,” ayon sa estudyante.
Sa video, makikita si Daculiat habang nagsasagawa ng CPR sa bata sa labas ng bahay. Tumagal umano ng may pitong minuto bago muling nagkamalay ang biktima.
Nagpapagaling na sa ospital ang bata, habang labis naman ang pasasalamat ng kaniyang mga magulang sa kanilang kapitbahay na si Daculiat. -- FRJ, GMA Integrated News