Napaatras sa gulat ang isang midwife o kumandrona sa Davao del Norte nang suriin niya ang puwerta o maselang bahagi ng katawan ng isang ginang at nakita sa loob ang tila isang malaking mata na parang may maligno umano.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng ginang na itinago sa pangalang "Amanda," na nitong July 9 nang makaramdam siya ng pananakit ng baywang at madalas na pag-ihi.

Binalewala niya ito noong una pero hindi nagtagal ay nakaramdam na siya ng pananakit sa mismong maselang bahagi ng kaniyang katawan.

Nahihiya man, pero mas nangibabaw ang takot ni Amanda sa kaniyang kaligtasan kaya nagtungo na siya maternity clinic para ipasilip ang maselang bahagi ng kaniyang katawan at alisin kung ano man ang nasa loob nito na nagdudulot sa kaniya ng sakit.

Ayon sa midwife na si Guia Nena Calumpang, sinabi umano sa kaniya ni Amanda na gusto nitong magparaspa dahil may naiwan sa loob ng kaniyang puwerte na galing sa maselang bahagi ng katawan ng kaniyang mister nang magtalik sila noong nagdaang gabi.

Kaya sinilip ni Calumpang ang maselang bahagi ng katawan ng babae at nagulat siya sa nakita niya sa loob nito.

"Bumungad sa akin talaga yung mata talaga na ang laki- laki. Napaatras talaga ako kasi sabi ko parang may maligno sa loob," kuwento ng kumadrona.

Dito na ikinuwento ni Amanda ang nangyaring pagsisiping nilang mag-asawa sa nakaraang gabi at may bagay umanong ikinabit ang kaniyang mister sa maselang bahagi ng katawan nito na natanggal at naiwan sa loob naman ng maselang bahagi ng kaniyang katawan.

Balak umano ng kaniyang mister na sungkutin ang naiwang bagay sa loob ng kaniyang puwerta pero tumanggi siya dahil sa takot na kung ano ang mangyari sa kaniya.

Kaya ang komadrona na si Calumbang, maingat na sinungkit at kinuha ang bagay na naiwan sa loob ng maselang bahagi ng katawan ni Amanda.

Ano nga ba ang naiwan na ito sa loob ng maselang bahagi ng katawan ni Amanda na tila isang mata at kumusta na ang kaniyang lagay? Panoorin ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News