Hindi na kailangan pang pumunta sa mga palengke para bumili ng mga gulay ang ilang OFW dahil ang isa ring dating OFW, nag-aalok ng "pitas all you want" at libre sa kaniyang organic garden sa Payatas, Quezon City.
Sa nakaraang episode ng "Good News," ipinakilala si Rosalyn Dalina, may-ari ng OFW Natural Organic Garden Inc.
Nagtrabaho si Dalina ng 10 taon sa Middle East hanggang sa maisipan niyang umuwi na ng Pilipinas at maging isang full-time plantita.
"Wala po kasi kaming pinagkakaabalahan [noong pandemic]. Tapos mahilig po kasi ako mag-garden, mga halaman po. Tapos nag-usap-usap kami ng mga kaibigan ko na 'mag-garden tayo,'" kuwento ni Dalina.
Sa kabila ng malaki niyang sahod bilang OFW, pinili ni Dalina na maglaan na lang ng oras para sa kaniyang mga anak.
"Opo, mas malakas doon ang kita. Kaso lang gusto ko na kasi mag-stay sa mga anak ko kasi malilit pa sila, iniwan ko na eh, hindi ko sila naalagaan," anang dating OFW.
"Magga-graduate 'yung anak ko ng college kasi magtatrabaho na siya. Ang dami niyang pangarap sa amin. Sabi niya, 'Ako na mama,'" pagpapatuloy niya.
Ilan sa mga gulay na matatagpuan sa organic garden ni Dalina ang Chinese kangkong, talong, okra, mustasa at iba pa.
Ang lote namang pinagtataniman ng kanilang hardin, ipinahiram lang sa kanila. Binabayaran nila ang gastos sa konsumo ng tubig na pandilig dito.
Dahil organic ang mga tanim ni Dalina, "all natural" din ang kaniyang mga pataba.
Mayroon nang mahigit 40 members sa kasalukuyan ang grupo nina Dalina kung saan ang iba sa kanila, mga dating OFW rin na hindi na muling nangibang bansa at pinili na lang magtanim.
"Nakatulong 'yung pag-a-garden namin sa pang-araw-araw sa pamilya. Nalibre kami ng mga gulay, 'di na namin kailangan bilhin. Tapos organic pa siya. Nasa 20 percent siguro 'yung nalibre natin. Kasi mahal ng bigas ngayon," sabi ni Nhelmalyn Trinidad, isa sa mga miyembro ng grupo ni Dalina.
Bukod sa personal na konsumo, naibebenta rin nila ang iba nilang mga gulay na halos presyong palengke na rin, ngunit mas marami naman ang bigay.
"Maging matiyaga lang kasi minsan ang hirap eh. Pero isipin mo lang na darating ang araw magiging magbubunga 'yung pinaghirapan mo," sabi ni Dalina.-- FRJ, GMA Integrated News