Mahigit dalawang dekada na ang nakararaan mula nang mabunyag ang ilegal na bentahan ng bato o kidney ng mga naghihikahos na Pilipino. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang naturang gawain at nagkakahalaga umano ng P200,000 ang bawat kidney na ibinebenta. Pero ang ibang nagbebenta, hindi raw nakukuha nang buo ang naturang halaga.
Batay sa datos ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI), isang Pinoy ang nakararanas ng chronic renal failure bawat oras. Ang ilan sa kanila, nangangailangang sumailalim sa dialysis, habang mga malubha na ang kalagayan, kailangang sumailalim na sa kidney transplant.
Sa Pilipinas, umaabot ng P600,000 hanggang P1.2 milyon ang operasyon sa bato.
Ngunit bakod sa malaking halagang kailangan, malaking pagsubok sa pasyente ang paghahanap ng kidney donor, na umaabot umano ng maraming taon ang paghinintay. Dahil dito, ang mga may kakayahan na gumastos, sa "black market" o ilegal na paraan naghahanap ng bato na mailalagay sa pasyente.
Mahigat dalawang dekada na ang nakararaan nang talakayin sa programang "Kapuso Mo Jessica Soho" ang bentahan ng bato sa Pilipinas, kung saan humarap ang ilang kalalakihan na nagbenta ng kani-kanilang mga bato.
Sa kasalukuyang panahon, isang apartment sa San Jose Del Monte, Bulacan ang sinalakay ng mga awtoridad at nasagip ang ilang biktima na magbebenta ng kanilang bato para ilagay sa pasyenteng handang magbayad.
Nagsisimula umano ang proseso sa isang Facebook group para makilala ang agents. Ang isang bato, nagkakahalaga ng hanggang P200,000.
Ang isa sa mga biktima na si “Kat,” 'di niya tunay na pangalan, sinabing may mga menor de edad umano na nagbebenta rin ng kidney.
Naisipan umano ni Kat na magbenta ng kidney dahil sa pagkakautang at kailangang suportahan ang pamilya.
Noong nakaraang Nobyembre, naghanap siya sa Facebook ng bibili ng kidney.
“Sa Facebook, sinearch ko ang ‘kidney selling.’ Tapos lumabas ang Kidney Donate,” saad niya.
Ayon kay “Kat,” madali lang siyang nakasali sa group na marami umano ang dummy accounts mula sa mga taong nagbebenta rin ng kidney.
Hanggang sa isang tao ang nagpadala na sa kaniya ng mensahe na nag-alok ng P200,000.
Bago kunan ng bato, sumailalim umano si “Kat” sa mga lab test, interview, at pinatira sa isang apartment sa Bulacan, kasama ang 11 iba pang "donors," na karamihan umano ay lalaki at mayroon ding Gen Z.
Ilan umano sa "donors" ay 17-anyos, na ipinambili ng cellphone at motorsiklo ang kinita sa pagbebenta ng kanilang bato. Pero dahil sa 23-anyos pataas ang pinapayagan sa batas na mag-donate ng kanilang organ, kinailangan ng mga menor de edad na "donors" na dayain ang kanilang edad.
Habang nasa apartment, limitado ang kanilang galaw, at naka-monitor ang paggamit nila ng cellphone.
Ayon pa kay "Kat," tinuturuan sila ng kanilang mga dapat sabihin kapag isinalang sa panayam sa gagawin nilang pagdo-donate ng kidney. Kailangan kasing palabasin na may kaugnayan siya sa pasyenteng paglilipatan ng kaniyang kidney kahit hindi niya naman ito talaga kakilala.
Ayon pa kay “Kat,” ilan sa mga "middlemen" sa bentahan ng kidney ay mga dati ring nagbenta ng kanilang bato.
Ang itinuturo nilang lider ng grupo ay isang Boss A, o Allan Ligaya, na isang nurse sa National Kidney and Transplant Institute. Si Ligaya umano ang nagbabayad sa mga gastusan sa tinutuluyan nilang apartment at pagbabayad sa mga agent.
Sa isang pulong balitaan ng mga opisyal sa NKTI, sinabi nila na itinanggi umano ni Ligaya ang mga paratang laban sa kaniya.
Ayon kay “Kat,” nasa 20 ang "donors" sa grupo na umaabot sa P200,000 hanggang P400,000 ang natanggap sa pagbebenta ng bato.
Kuwento ni "Kat," nagdalawang-isip siya na ituloy ang operasyon pero wala na siyang nagawa. Bagaman pumayag siya na ang mas mahinang kidney ang kaniyang ido-donate, nalaman niya pagkatapos ng operasyon na ang mas malakas na kidney niya ang tinanggal.
“Nu’ng nasa recovery room na ako, pagkapa ko sa tagiliran ko, ‘yung kaliwa ang kinuha. 'Yung 80% to 90% recent na malakas ang function ng kidney ko. ‘Yun ang kinuha nila. Ang iniwan nila is ‘yung 50%-60% na function. Wala na akong nagawa,” kuwento niya.
Natanggap ni “Kat” ang napag-usapang P200,000 na bayad sa kaniya. Pero hindi umano natupad ang pangakong post-surgery check-ups niya.
Ang isa sa mga nasagip sa apartment na 20-anyos na si “Bern,” sinabing P2,000 lang umano ang nakuha niya. Pumayag daw siyang mag-donate ng kidney para umano sa kaniyang tuition.
Ang isa pang nasagip na si “Steve,” umabot lang P50,000, ang natanggap na ipinambili niya ng cellphone at pambayad sa utang.
Si “Pinky” naman na pinangakuan ng P250,000, wala pa umanong P100,000 ang natanggap.
Si “Fer,” na nakunan na ng kidney noong Oktubre, nanatili sa apartment para samahan ang partner na nakatakda rin sanang kunan ng bato.
Pero ano nga trabaho ng mga tinatawag na "agent" sa ganitong uri ng ilegal na gawain? At ano ang posibleng mangyari sa nurse na isinasangkot sa bentahan ng kidney? Tunghayan ang buong ulat sa video.--FRJ, GMA Integrated News