Sa murang edad na 16, naging single mom si Abby Gaile Pallasigue Gozun, na kinalaunan ay naging overseas Filipino worker sa Dubai. Ang kaniyang nakaraan, bukas na tinanggap ng kaniyang naging mister na isa ring expat at bumuo sila ng bagong buhay at pamilya.
Ayon kay Gozun na 29-anyos na ngayon, at tubong-Arayat, Pampanga, hindi naging hadlang ang kaniyang pagiging maagang ina para hindi magpursige sa buhay.
“In fact, it gave me the biggest lesson and motivation to be successful in life, as most people judged me for being a teenage mom and labeled me as a ‘walang kwentang anak’," saad niya na isa na ngayong executive assistant ng anim na department heads sa Dubai branch ng isang New York-based university sa US.
“It was my fault, but it motivated me to strive,” dagdag niya.
Nagtapos si Gozun sa kursong Psychology sa Far Eastern University (FEU) sa Manila. Mula siya sa broken family at mga bata palang sila ng kaniyang dalawang kapatid nang maghiwalay ang kanilang mga magulang.
Bilang panganay, inako niya ang responsibilidad para sa kaniyang mga kapatid. Kaya nang magtapos ng kolehiyo sa edad na 20, pumunta siya sa Dubai sa tulong na rin ng kaniyang mga tita.
Ayon kay Gozun, may master’s degree sa Data Analytics sa unibersidad na kaniyang pinagtatrabahuhan, mga OFW din ang kaniyang mga magulang pero hindi nakapag-ipon para sa kanilang pamilya.
Dahil na rin sa kakapusan ng pera at nakikitira sa kamag-anak, nagpasya na si Gozun na magtrabaho rin sa ibang bansa matapos siyang maka-graduate sa kolehiyo.
Mister na si Sharafi
Nakilala ni Gozun sa Instagram na kaniyang naging mister na si Mohammad Sharafi. Mula siya sa Iran pero lumaki sa Dubai.
“He’s my follower on Instagram. He kept messaging me for three months, but I didn’t respond because I was not interested,” balik-tanaw ni Gozun.
Dahil mapursige si Sharafi, at nalaman ni Gozun na Iranian ang lalaki, pumayag siyang makipagkita dahil marami rin siyang kaibigan noon na Iranian.
Ngunit hindi sinipot ni Gozun ang dapat sanang first date nila ni Sharafi dahil sa kaniyang mga agam-agam na makipagkita sa isang estranghero.
Pero nang isang araw na magkaproblema ang kaniyang sasakyan sa kalsada, walang ibang naisip na hingan ng tulong si Gozun kundi si Sharafi, na hindi naman siyang binigo.
“He helped me fix my car and the rest is history,” natatawang kuwento ni Gozun.
May pag-aalinlangan man noong una, ipinagtapat ni Gozun kay Sharafi ang tungkol sa kaniyang anak sa naging karelasyon niya noong kabataan niya.
“But I went ahead, when I finally felt comfortable doing so. Whether he accepts me and my daughter or not, at least I have been very honest,” sabi ni Gozun.
December 2020 nang magpakasal ang dalawa. Hindi lang si Sharafi ang buong-buo na tumanggap kay Gozon, kundi maging ang pamilya nito.
“(They) welcomed and accepted me as their own. I was emotional at first because they didn’t judge me for being a single mom. I felt I belong to them,” sabi ni Gozun.
Ngayon, family pastry business sila na pinapamahalaan ni Sharafi.
“He sacrificed his career to support my business,” sabi ni Gozun tungkol sa kanilang negosyo na Wifey on Duty.
Ngayon, nasa Dubai na rin ang anak ni Gozun, pati ang kaniyang mga kapatid. Natatawa ring sinabi ni Gozun na kasama rin nila ang kanilang mga magulang kahit hindi masyadong nag-uusap.
Tumutulong sila sa kanilang pastry business.
“I’m grateful to my husband. He has never made an issue of it, though he’s obviously in a culture shock because living with in-laws is (apparently) new to him,” sabi ni Gozun, na nagsilang ng anak nilang lalaki noong nakaraang taon. — mula sa ulat ni Jojo Dass/FRJ, GMA Integrated News