Kung dati ay galit o malungkot ang runners ng Running Man Philippines kapag na-out sa laro, ngayon ay masasaya sila kahit natanggal dahil nakita nila ang OG ng Running Man Korea na si Haha.

Sa video, ipinakita na dalawang runners na sina Bianca Umali at Kokoy Delos Santos na nilinlang ni Buboy Villar para madala sa kasabwat niyang si Haha upang maalis ang mga suot nitong korona.

Nang makuha ang mga korona ng dalawa, pareho nang sumalakay sina Buboy at Haha papunta sa mga runner na kanilang makikita sa daan.

Si Glaiza de Castro, nagtangka pang protektahan ang kaniyang korona pero hindi makapaniwala nang makitang si Haha pala ang kasabwat nito.

Sa Instagram post, inihayag ni Glaiza ang pagbihirang pagkakataon na nakasama sa "Running Man Philippines" si Haha.

"Ang suryal pa ring balikan ng moment na 'to! 'Yung pinapanood mo lang sila sa Running Man tapos napapasaya ka nila sa pagiging sila, nakakawala talaga ng lumbay," saad niya sa caption sa larawan.

"Sorry naman sa mugto kong mata dito, di ko kasi talaga in-expect na makakasama namin siya in person," dagdag pa niya.

 

 

Panoorin ang nakatutuwang episode sa video at mga reaksyon ng runners nang makita nila si Haha.-- FRJ, GMA Integrated News