Nasawi ang isang babae, at apat na iba pa ang sugatan matapos salpukin at makaladkad ng isang pick-up truck ang sinasakyan nilang tricycle sa General Santos City.
Sa ulat ni Efren Mamac sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Biyernes, sinabing hindi tumigil ang pickup truck matapos ang insidente sa Barangay Labangal at iniwan ang mga biktima.
Ayon sa Traffic Enforcement Unit ng General Santos City Police Office (TEU-GSCPO), magkakamag-anak ang sakay ng tricycle na patungo sana sa Surallah, South Cotabato.
Nakuhanan sa CCTV camera ang pagdaan ng sasakyan na makikitang may kumikislap.
“Pagdating doon sa may gilid ng highway daw nag-stop muna sila doon. So pag mag-start na sila, paalis sila it so happen na may approaching yung pick -up, yun nabangga sila,” ayon kay TEU GSCPO Chief, Major Oliver Pauya.
“Sad to say na drag na pa niya, instead na mag-stop siya dahil nakabangga siya agad namang sumibat. Na-drag yung sidewheel kaya separated yung side wheel at sa saka yung motorcycle,” dagdag ni Pauya.
May naiwan na bahagi ng pick-up truck sa pinangyarihan ng insidente. Sumuko na rin ang suspek nang matunton ang kaniyang tirahan sa Polomolok, South Cotabato.
Naniniwala ang mga awtoridad na nakainom ang driver nang mangyari ang insidente.
Gayunman, wala umanong plano ang mga biktima na magsampa ng kaso laban sa driver matapos na magkausap ang dalawang panig.
“So dito tinawag naman natin ang pamilya, pinaharap sila, yung pamilya kasi grabe yung convince namin sa kanila na mag-file ng kaso pero ayaw talaga," ani Pauya.
Nangako umano ang driver na magbabayad sa mga biktima.
Sa kabila ng kasunduan, desidido ang mga awtoridad na kasuhan pa rin ang driver dahil sa ginawa nitong pag-abandona sa mga biktima.
“Yung move naman namin na magpa-file kami ng revocation of license kasama yung incident report namin kasi pangit kasi nakabangga ka dapat tulungan mo yung nabanggaan mo 'wag mong hayaan doon na helpless sa gilid ng kalsada,” ayon kay Pauya.
Wala pang pahayag ang driver, ayon sa ulat.--FRJ, GMA Integrated News