Handa na ang Blackjacks para sa “the best” sa pagbabalik ng 2NE1, na nag-kick off na ng kanilang inaabangang “Welcome Back” reunion concert na nagsimula sa Seoul, South Korea.

Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, itinampok ang ilang video ng intense as “FIRE” nilang performances ng hit songs nilang “I Don’t Care,” “Ugly,” at “Go Away.”

Dama sa venue ang pagka-miss ng Blackjacks na “Lonely” no more sa reunion nina Dara, Bom, CL, at Minzy.

Ilang Korean celebrities din ang dumalo at nagbahagi ng kanilang concert snaps online.

Inaabangan na rin ng Filo Blackjacks ang Manila leg ng “Welcome Back” Asia Tour ng grupo sa Nobyembre 16 sa SM Mall of Asia Arena.

Base sa anunsyo ng Live Nation Philippines may 10 ticket tiers na pagpipilian ang fans, na mula P3,000 hanggang P16,500, kasama na ang ticket charges.

On sale na ang mga ticket sa Oktubre 11, at may Live Nation Philippines presale din sa Oktubre 10.

Inanunsyo ng YG Entertainment ang comeback ng 2NE1 nitong Hulyo, kung saan nagpost si Sandara ng isang concert teaser. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News