Dahil sa pagtindi ng labanan ng Israel at grupong Hezbollah, muling ipinaalala ng Department of Foreign Affairs sa mga Pilipino na nasa Lebanon ang tungkol sa repatriation program ng pamahalaan. Nababahala rin ang DFA na baka lumalala ang sitwasyon sa Gitnang Silangan.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang video sa ginawang pagpapaulan ng Iran ng mahigit 180 ballistic missiles sa Israel.
Ginawa ito ng Iran bilang suporta sa grupong Hezbollah sa Lebanon na tinatarget naman ng pambobomba ng Israel.
Ang nangyaring pagpapaulan ng Iran ng missiles sa Israel, nasaksihan din ng mga Pinoy sa naturang bansa.
Ang DFA, nagpahayag ng pagkabaha na baka lumalala pa ang kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Inaasahan kasi na gaganti rin ang Israel sa Iran, at paiigtingin ang operasyon sa Lebanon.
"The Philippines expresses grave concern over the increasing tensions in the Middle East region marked by Israeli groun operations in Lebanon," ayon sa pahayag ng DFA.
"We urge all parties to refrain from escalating the violence and to work towards a peaceful resolution of the conflict," dagdag nito.
Kamakailan lang, nagpalabas ng evacuation advisories ang Israel sa mahigit 20 lugar sa Southern Lebanon, na gaya ng inalabas nilang abiso nang salakayin nila ang Gaza kaugnay ng kanilang digmaan sa grupong Hamas.
“We already have plans in place in various countries that might be affected, including Lebanon. The DMW are working really hard to institute their plan in trying to get arrangements ready for the Filipinos in the area in case they have to evacuate or be repatriated,” ayon kay DFA Secretary Enrique Manalo.
Nauna nang iniulat na may mahigit 11,000 Pinoy sa based sa Lebanon, na karamihan ay nasa Beirut, na kabilang na rin sa mga tinarget ng Israel.
Nakaugnayan na umano ng DFA ang mga OFW sa southern part ng Lebanon, at hinikayat sila na umuwi na muna sa bansa at samantalahin ang repatriation program ng gobyerno ng Pilipinas.
“They have already identified where they are, and they’ve already contacted whom they can contact in Southern Lebanon,” ani Manalo. —FRJ, GMA Integrated News