Patay ang isang motorcycle rider na inakalang naaksidente lang sa bahagi ng Osmeña Highway matapos pagbabarilin ng riding in tandem.
Ayon sa barangay tanod, nakarinig na lamang ang mga residente ng sunod-sunod na putok pasado alas sais bente nitong Biyernes ng gabi.
Nang puntahan ng mga tanod ang lugar, dito na nila nakita ang biktima na nakabulagta at inakalang naaksidente lamang.
Pero nang nilapitan nila, dito na nila nakita na may mga tama ng bala ang biktima.
Sabi ng barangay tanod, hindi nila residente ang lalaki kaya blangko sila sa dahilan ng pamamaril.
Base sa kuha ng CCTV, makikita ang riding in tandem na nasa kaliwang linya at biglang pinagbabaril ang biktima.
Ayon sa ate ng biktima, nagpaalam ang kapatid na susunduin ang kanyang nobya sa Makati City.
Pero makalipas ang mahigit kalahating oras, hindi na raw makontak ng nobya ang biktima hanggang sa nalaman na nila ang nangyari sa kanya.
Base sa imbestigasyon, may tama ng bala ang biktima sa kanyang ulo, bewang at likod.
Wala raw naikuwento ang biktima na may nakaaway siya o may banta sa kanyang buhay.
Gayunman, palaisipan daw sa pamilya ang biglaang pag-resign nito sa trabaho bilang room attendant at waiter sa isang hotel noong nakaraang linggo.
Hustisya naman ang kanilang panawagan sa sinapit ng biktima.
Sa ngayon ay patuloy ang backtracking ng mga awtoridad para mahuli ang mga suspek at malaman ang motibo sa pamamaril. — BAP/KG, GMA Integrated News