Patay ang isang 73-anyos na babae na tumatawid matapos siyang salpukin ng isang motorsiklo na minamaneho ng 18-anyos na rider sa Mangaldan, Pangasinan.

Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, makikita sa CCTV footage na tumawid ang biktima malapit sa pedestrian lane sa Barangay Embarcadero.

Sa imbestigasyon ng pulisya, galing sa tindahan at pauwi na sana ang biktima nang mangyari ang trahediya.

Halos makakatawid na sana ang biktima nang dumating ang motorsiklo at nasalpok ang biktima.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang babae, at natumba rin ang rider.

Isinugod sa ospital ang biktima pero pumanaw din pagkaraan ng ilang oras dahil sa tindi ng pinsalang tinamo sa ulo at dibdib.

Nakipag-ayos umano ang rider sa pamilya ng biktima. --FRJ, GMA Integrated News