Naghain ng certificate of candidacy (COC) para sa Eleksyon 2025 nitong Biyernes si re-electionist mayor Muntinlupa City Ruffy Biazon. Inihayag naman ni outgoing Makati mayor Abby Binay na plano ng kaniyang mister na si Makati Representative Luis Campos na pumalit sa kaniyang puwesto sa munisipyo.
Tatakbo si Biazon sa ilalim ng local political party na One Muntinlupa. Kandidato niyang bise alkalde si Barangay Poblacion chairman Allen Ampaya.
Kasama rin nila sa partido ang re-electionist Muntinlupa City Lone District congressman na si Rep. Jaime Fresnedi, na dating mayor ng lungsod.
Unang nanalo si Biazon bilang mayor ng Muntinglupa noong 2022. Bago nito, naging kongresista siya ng lungsod.
LIST: Mayoral, vice mayoral aspirants in NCR
Inihayag naman ni outgoing Makati mayor Abby Binay na tatakbong alkalde ng lungsod ang mister niyang si Makati si Rep. Luis Campos.
Inihayag ito ni Binay matapos maghain ng COC para sa kaniyang pagtakbong senador sa Eleksyon 2025.
Posibleng makalaban ni Campos sa pagka-alkalde ng Makati ang kapatid ni Abby na si outgoing Sen. Nancy Binay, na naghain na ng COC para sa naturang lokal na posisyon.
"Yes po, tomorrow," sabi ni Abby tungkol sa gagawing paghahain ni Campos ng COC para sa pagtakbong mayor ng Makati.
Ayon kay Abby tungkol sa napipintong paghaharap ng kaniyang mister at kapatid sa mayoralty race sa Makati, "There's no discussion. So, we will let the people decide."
Sinabi rin ni Abby na matagal na nilang napagdesisyunan na mag-asawa ang kanilang plano sa pulitika.
"Kami ay nagdesisyon na, matagal na and 'yung sinasabi nila na 'yun daw ang gusto ng ama namin [na si dating Vice President Jojemar Binay] ay wala naman hong sinasabi 'yung aking ama sa akin. So I guess I have to hear it from the horse's mouth to believe kung ganon nga ang ganyang sinasabi," saad niya.
Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang panig ni Sen. Nancy. — FRJ, GMA Integrated News