Apat na trabahador, patay mataos umanong ma-suffocate sa loob ng fermentation pool sa isang pagawaan ng patis sa Obando, Bulacan.
Bangkay na ng ma-rescue kahapon ng mga awtoridad ang apat na lalaki sa loob ng fermentation pool sa Barangay Panghulo, Obando, Bulacan.
Ang mga biktima, mga trabahador daw ng compound kung nasaan ang isang pagawaan ng patis.
Ayon sa pulisya, pinaglinis ng may ari ang isa sa mga biktima.
Pero, nagulat na lamang daw ang isa sa mga trabahador nang makita na wala nang malay ang biktima habang nasa ilalim ng fermentation pool.
Dito na umano humingi ng saklolo kung saan agad naman tumulong ang tatlong lalaki.
Pero hindi na rin daw sila nakaakyat.
Posibleng suffocation umano ang ikinamatay ng apat na biktima matapos makalanghap ng kemikal mula sa loob.
Habang isinasagawa kasi ang retrieval operation, gumamit pa ng breathing apparatus ang mga awtoridad para makababa sa ilalim ng fermentation pool dahil sa masangsang na amoy.
Dalawa sa mga namatay ay mga caretaker ng compound habang ang dalawa naman ay mga construction worker umano sa katabing gym.
Base sa imbestigasyon, nasa apat na taon na daw hindi nag o-operate ang nasabing pagawaan kaya palaisipan ngayon sa pamilya ng mga biktima kung bakit kailangan linisin ang fermentation pool.
Sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya kung talaga bang non-operational na ang pabrika.
Inaalam din ang posibleng pananagutan ng may ari nito lalo at wala raw safety gears na suot ang mga biktima at tanging lubid lamang ang suot ng tatlo sa kanila.
Ayon naman sa anak ng isa sa mga nasawing trabahador, pumirma na sila ng isang waiver kung saan nakasaad na sasagutin ng may ari ang gastos sa burol at libing ng kanilang kamag anak.
Pero, pinag aaralan din daw nila kung magsasampa sila ng reklamo depende sa mapagkakasunduan nila ng may ari.
Sinusubukan pa namin hingan ng pahayag ang may ari ng nasabing pabrika. — BAP, GMA Integrated News