Sa halip na noodles, toge o mga bagong tubong munggo ang ginagamit sa patok na Pansit Estacion sa Tanza, Cavite. Ang negosyong ito na nagmula pa sa mga lola, kumikita ng hanggang P10,000 kada araw.
Sa programang Pera Paraan, ikinuwento ni Johnny Bobadilla, may-ari ng Pancit Estacion, na natuklasan ito ng magkapatid niyang lola nang minsang magpunta sa Navotas at Malabon.
Tuyo o dry ang nakain nilang pansit kaya pag-uwi nila, nag-isip sila kung paano magluluto ng pansit na hindi tuyo.
Pero nagkaroon ng kakulangan sa supply ng noodles noong 1934 kaya aksidenteng gumamit ng toge ang mga lola ni Tatay Johnny.
Kalaunan, inilalako ng kaniyang lola sa estasyon ng tren ang pansit kaya tinawag na itong "Pansit Estacion."
Ipinamana ng lola ni Tatay Johnny sa kaniyang ina ang recipe ng pansit na ginagamit niya ngayon sa pagluluto.
Noong pumanaw ang kaniyang ama, walang makatuwang ang ina ni Tatay Johnny sa negosyo. Kaya naisip niyang tumulong at ipagpatuloy ito noong mag-early retirement siya.
"Kung ano 'yung lasa na [ginawa] ng lola ko na nakalakihan ng mga taga-rito, 'yun pa rin, minaintain namin 'yun, 'yung timplang 'yun," sabi ni Tatay Johnny.
Pagdating naman sa karaniwang noodles, gumagamit sila ng pansit-luglog, o noodles na iniluluglog sa tubig.
Sa savings ng ina ni Tatay Johnny nagmula ang P5,000 na ipinuhunan niya sa negosyo. Ngayon, kumikita na ang kanilang negosyo ng P4,000 hanggang P10,000 kada araw.
Ibinibenta ni Tatay Johnny ang kanilang Pancit Estacion sa halagang P30 hanggang P50.
"Sipag at tiyaga. Kapag nag-e-enjoy ka sa negosyo na pinili mo, hindi mo alintana kung may edad ka na o napapagod ka. Masarap ang pakiramdam kapag ka ikaw at the end of the day, ubos ang paninda mo, ibinigay mo 'yung serbisyo mo para sa kanila," payo ni Tatay Johnny sa mga gustong magsimula ng negosyo.-- FRJ, GMA Integrated News