May bula ba o mapula ang kulay ng iyong ihi? Huwag itong balewalain dahil baka sintomas na iyon na mayroon ka nang problema sa bato o kidney, ayon sa isang duktor na nephrologist.
Sa isang episode ng programang "Unang Hirit," sinabing base sa datos ng National Kidney and Transplant Institute (NKTI), dumadami ang mga Pilipino nagkakaroon ng sakit sa bato-- matanda at maging ang mga bata.
Ipinaliwanag ng nephrologist na si Dr. Marichel Pile-Coronel, na ang mga bato o kidney ang responsable sa pagtanggal ng waste products at toxins sa ating katawan.
“Itong mga toxins na dulot ng pang araw-araw nating kinakain, mga gamot, lahat ‘yan, siya [kidney] ang sumasala at nilalabas ang mga dumi o lason sa paraan ng ihi,” sabi ni Coronel.
Bukod dito, ang mga bato rin ang namamahala sa electrolytes ng katawan at nagbabalanse sa salt intake sa sistema.
Isa sa mga mainam na paraan para matukoy nang maaga kung may CKD o Chronic kidney disease ay sa pamamagitan ng blood test na creatinine test, ayon kay Coronel.
Ayon naman sa National Kidney Foundation (NKF), sinusukat ng creatinine test ang antas ng creatinine sa dugo o ihi.
Ang creatinine ay isang waste product na nililikha ng mga muscle mula sa pagkadurog ng compound na creatine phosphate. Inaalis ito ng mga bato mula sa dugo at inilalabas sa pamamagitan ng ihi. Kaya naman maaaring matukoy ng antas ng creatinine sa dugo kung gaano kabisa pa na gumagana ang mga bato.
Kapag may problema sa bato, maaaring makaranas ang pasyente ng high blood pressure, pamamaga ng ilang bahagi ng katawan, may mararamdamang masakit sa tagiliran, o parte sa gitna ng ibabang tadyang at balakang.
Isa pang palatandaan ng problema sa bato ang hitsura at kulay ng ihi. Halimbawa ang pagkakaroon ng bula sa ihi, o kaya naman ay mapula o kulay tsaa ang ihi.
Kung matingkad na kulay dilaw naman ang ihi, sinabi ng doktora na maaaring dehydrated ang tao kaya makabubuting dagdagan ang inom ng tubig.
“[Ibig sabihin] naglalabas ng protina sa ating ihi. Dapat walang protina, dapat walang dugo sa ihi, at wala rin impeksyon,” saad ni Coronel.
Dagdag naman ng NIDKK, ang pakiramdam ng pagkapagod at panghihina, hirap sa pagtulog dahil sa muscle cramps o hindi mapakaling mga binti sa gabi, kawalan ng gana, ikli sa paghinga, madalas na pangangati, pagduduwal at pagsusuka ang maaaring maranasan ng isang tao na may CKD.
Para maiwasan ng sakit sa bato, iminumungkahi ang healthy lifestyle at pagkain ng balanseng diet para mabawasan ang peligro ng problema sa bato.
Ilan dito ang pagkontrol ng antas ng blood sugar at blood pressure, pagtigil sa paninigarilyo na siyang nakasisira ng blood vessels, kabilang ang mga bato.
Umiwas din sa processed food at maaalat na pagkain. Madalas na mag-ehersisyo at bawasan ang pag-inom ng alcohol.
Walang lunas sa ngayon ang CKD, ngunit may mga treatment para sa problema sa bato, gaya ng dialysis at kidney transplants.
Ang dialysis ang pagsalin at paglinis ng dugo gamit ang makina, na tumutulong na linisin ang katawan na hindi na kayang gampanan ng mga bato, ayon sa NIDKK.
Pero maaari nga bang maging sanhi ng sakit sa bato ang pagpigil sa ihi? Panoorin sa video ang buong talakayan. --FRJ, GMA Integrated News