Ang masaya sanang selebrasyon ng Araw ng Kalayaan at Araw ng mga Ama noong 2023 ng pamilya Biazon, nabalot nang kalungkutan dahil sa pagpanaw ng kanilang padre de pamilya--ang dating Armed Forces of the Philippines Chief of Staff, dating kongresista, at dating senador na si Rodolfo “Pong” Biazon-- na kung tawagin din ng iba ay "Tatang."

Part 1: Sen. Rene Cayetano at Sen. Pong Biazon sa alaala ng kani-kanilang mga anak

Part 2: Dating Sen. Rene Cayetano, inspirasyon sa kaniyang mga anak

Taliwas sa kadalasang iniisip ng mga tao na istrikto o sobrang mahigpit ang mga magulang na nasa militar, inilahad ni Muntinlupa City Mayor Rozzano Rufino "Ruffy" Biazon, na hindi ganoon ang naging karanasan nilang magkakapatid sa kanilang ama na si Pong.

“Hindi naman niya kami pinalaki na parang nasa barracks kami. Pero, tinuruan niya kami on discipline. For example, ‘yung schedule to wake up early, mandatory rule niya ‘yun. Tapos ‘yung paggawa ng household chores, mandatory din sa kaniya ‘yon,” kuwento ng alkalde.

Pagdating sa mga desisyon sa buhay, sinabi ni Biazon na hinubog sila ng ama na mag-isip kung ano talaga ang kanilang mga gusto o plano.

“Tinrain (train) niya kami na to stand up for what we believe in. So, hindi ‘yung type na basta sumunod na lang kayo… ‘Pag nasa giyera ka, 'di ka dapat nag-question sa order ng commander mo,” saad ni Ruffy.

“But in our case, pinalaki niya kami na nag-iisip and do our own. Be responsible sa sarili naming mga desisyon,” paliwanag pa niya. “Siguro kung ihahambing natin, parang pinalaki niya kami na maging officer, hindi lang soldiers.”

“Kasi nga, sa military, ‘yung soldier is trained to obey without asking questions. Pero ang officer is expected to think,” dagdag ni Biazon.

 

 

Ayon sa nakababatang Biazon, ginagamit ni Pong ang kaniyang sarili bilang halimbawa para ituro sa mga anak na pahalagahan ang pag-aaral.

Laki sa hirap sa Batac, Ilocos Norte, naging working student si Pong para matustusan ang pangangailangan ng kanilang pamilya. Ayon kay mayor Biazon, hindi talaga gusto ng kaniyang ama na maging sundalo, ngunit pumasok ito sa Philippine Military Academy (PMA) bilang paraan para makakuha ng libreng edukasyon.

‘Yun nga lang, sabi niya, he ended up not being the top of his class. In fact, ang urban legend na nga eh, na he's the ‘goat,’ ‘yung pinaka-last eh. But, technically, he's not the last… So, admittedly, sabi niya, he did not excel well,” paglilinaw ng alkalde. “Kaya, ang bilin niya sa amin, eh mag-aaral kayong mabuti. Kasi that's how you can get ahead in life.”

Samantala, hindi naman naramdaman ni mayor Biazon na may paborito ang kaniyang ama sa kanilang tatlong magkakapatid.

“Sabi ng mga kapatid ko, meron daw. Pero wala naman. Hindi ko nararamdaman na meron siyang favorite. Tingin ko naman, pantay ang tingin niya sa amin lahat,” saad niya.

Ilan sa mga hindi malilimutang alaala ni mayor Biazon na kasama ang ama ay noong ipinapasyal sila nito kung saan ito nadestino noon sa Mindanao.

“Isa sa very clear memories ko na parang picture in my mind, ‘yung isinakay niya ako sa likuran niya tapos nag-swim siya sa dagat. Noong una, enjoy ako and then later on, knowing na nasa malalim na portion ng dagat, naalala ko ‘yung pakiramdam ng fear na siyempre malalim na ito,” pag-alaala ng alkalde.

“But then, he was assuring me na marunong naman siyang lumangoy. ‘Yung assurances niya gave me comfort,” dagdag niya.

Sa kabila ng lumaki sa loob ng kampo at namulat sa buhay militar, hindi naisip ni mayor Biazon na sumunod sa yapak ng ama sa pagsusundalo.

 

 

“‘Yung times na wala siya, we are waiting for him na umuwi. Kasi umuuwi ‘yan mga once a month. ‘Yung uncertainty na if he will come home alive or in a box (kabaong),” saad ng alkalde.

“‘Pag papunta kami, kasama namin mga sundalo. ‘Pag pauwi naman kami, kasama namin mga casket. So, nakita ko as a kid na ganu’n. Umaalis ‘yung mga sundalo and then some of them don't come back alive," kuwento niya, na ayaw niyang mangyari sa kaniyang magiging pamilya kaya hindi niya inisip na sundan ang yapak ng ama sa pagiging sundalo.

Sa susunod na bahagi ng serye, hindi man sinundan ni mayor Biazon ang yapak ng ama bilang sundalo, bakit kaya niya sinundan ang yapak ng ama nang pasukin nito ang mundo ng pulitika? (Itutuloy).-- FRJ, GMA Integrated News