Nagulantang ang isang doktor nang mapagtanto niya na tila daliri ng tao na may kuko at hindi mani ang nakagat niyang matigas na bagay na nakahalo sa binili niyang ice cream sa Mumbai, India.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabi ng nagrereklamong si Dr. Orlem Brandon Serrao, na umorder siya ng ice cream online dahil gusto niyang mag-imbak ng pampalamig sa gitna nang nararanasang matinding init sa India.
Kaagad naman niyang kinain ang isa sa kaniyang mga binili, at may nakagat nga siyang matigas na inakala raw niya noong una na mani.
Pero nang suriin niya ang bagay, napagtanto niya na daliri iyon ng tao.
"I am a doctor so I know how body parts look like. When I carefully examined it, I noticed the nails and fingerprint impressions under it. It resembled a thumb. I am traumatized," ayon kay Serrao.
Inilagay ni Serrao ang pinaniniwalaang daliri sa ice pack at dinala sa pulisya bilang ebidensya sa isinampa niyang reklamo laban sa kompanya ng ice cream.
Sa isang pahayag, sinabi ng kompanya na natanggap na nila ang reklamo ni Serrao, at gumagawa na sila ng aksiyon kaugnay nito.
Makikipagtulungan daw sila sa isinasagawang imbestigasyon.
"We have stopped manufacturing at this third-party facility, isolated the said product at the facility and our warehouses. We are in the process of doing the same at the market level," ayon sa Walko Food Co. LTD.
Kapag napatunayang may pagkukulang ang kompanya, maaari itong maharap sa patong-patong na kaso.
Patuloy pang inaalam kung daliri nga ng tao ang nakita sa ice cream, at kung papaano ito napunta sa naturang produktong pampalamig.-- FRJ, GMA Integrated News