Naudlot ang pagdadalamhati ng isang pamilya sa Canada at napalitan ng pagtataka at pagkabahala nang makita nila na hindi ang kanilang kaanak na namatay sa Cuba ang ipinadalang bangkay sa kanila.
Iniulat ng Reuters, na batay sa impormasyon mula sa CBC news sa Canada, namatay sa heart attack si Faraj Jarjour, isang Canadian citizen na Syrian descent, habang nasa Varadero beach sa Havana noong March 22.
Pagkaraan ng ilang linggo, nagulantang ang nagluluksang pamilya ni Jarjour nang dumating mula sa Cuba at dinala sa isang punerarya na malapit sa Montreal ang bangkay ng isang lalaki na may tattoo at mas bata ang hitsura kaysa sa namayapa nilang kaanak.Sinabi ng pamilya ni Jarjour sa CBC na hindi rin niya kamukha ang bangkay.
Hindi malinaw kung sino ang bangkay na naipadala ng Cuba sa Canada.
Sa social media nitong Miyerkoles, sinabi ng foreign minister ng Cuba na si Bruno Rodriguez na kinausap niya ang kaniyang Canadian counterpart na si Melanie Joly tungkol sa insidente na tinawag niyang "unfortunate incident."
"Cuban authorities (are) investigating to clarify the incident," ani Rodriguez. "I conveyed heartfelt condolences and apologies to relatives and friends of the deceased."
Dahil sa pagkakamali, muling naghihintay ang pamilya ni Jarjour sa pagdating ng kaniyang bangkay mula sa Cuba, na inabot na ngayon ng isang buwan mula nang pumanaw siya.
Wala naman umanong inilalabas na detalye ang state-run media ng Cuba sa naturang insidente.
Kinumpirma ni Joly na nakausap niya si Rodriguez, na nangako umano na reresolbahin ang pagkakapalit ng bangkay.
"We share the utmost concern for the unimaginable situation his family faces," ani Joly social media post. — ulat mula sa Reuters/FRJ, GMA Integrated News