Nasawi ang isang mangingisda sa Tigbauan, Iloilo matapos siyang matusok ng "balo" o needlefish na tumalon mula sa dagat. Ang biktima, nasa bangka nang mangyari ang insidente.
Sa ulat ni Joecel Huesca sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Rudy Tinasas, 59-anyos.
Kasama ng biktima sa pangingisda ang kaniyang anak na si Ronel nang mangyari ang insidente.
Kuwento ni Ronel, nakatayo sa bangka ang kaniyang ama nang tumalon mula sa dagat ang balo na may matulis at mahabang nguso, at tinamaan sa tiyan ang biktima.
“Nakatayo si tatay, lumipad yung isda na ‘balo.’ Tinamaan si tatay. Sabi ko, ‘tay anong nangyari sa ‘yo, may sugat ka.’ Sabi niya, wala. Maya-maya pa, sumama ang pakiramdam nya. Hinawakan niya ang kaniyang ulo at humandusay,” kuwento ni Ronel sa sinapit ng kaniyang ama.
Mabilis na ibinalik ni Ronel ang bangka sa pampang sa Barangay Parara Norte para madala sa ospital ang kaniyang ama pero idineklarang dead on arrival sa pagamutan ang biktima, na halos limang dekada nang nangingisda.
Ayon kay Irene Legaspi, associate researcher of Southeast Asian Fisheries Development Center, hindi pangkaraniwang nangyayari kay Rudy.
“Extremely rare. May mga needlefish na, there are reports, that they can easily rupture organs of humans like eyes, heart, intestines and lungs when it lifts up of the water pointing the needle in the potential threat,” ayon kay Legaspi.--FRJ, GMA Integrated News