Ano kayang mayroon sa isang uri ng melon sa Japan para bilhin ang isang piraso nito sa halagang five million yen o katumbas ng P1.8 milyon. Ang naturang uri ng melon, itinatanim na rin pala sa Pilipinas. Alamin kung saan.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing maraming variety o klase ng melon sa mundo.
Sa Calumpit, Bulacan, mayroong nagtatanim ng melon na tinatawag na melong-Tagalog, o melong-putok.
Pero hindi gaya ng karaniwang melon na bilog, bilohaba o pahaba ang hugis ng melong-putok, at may katabangan din ang lasa.
Ang naturang melon, naibebenta umano ng magsasaka ng P40 kada kilo. Kaya naman nabibilang ang melong-putok sa mga pinakamurang uri ng melon.
Pero pagdating sa pinakamahal na uri ng melon, makikita ito sa Japan na tinatawag na Japanese musk melon.
Noong 2019, naisubasta ang isang piraso nito sa halagang 5 million yen o katumbas ng mahigit P1.8 milyon.
Umabot umano sa ganoong kalaki ang presyo ng melon dahil iyon daw pinaka-perfect na ani nang panahong iyon ng anihan.
Ayon kay Dr. Tyrone Nepomuceno, Asian studies expert, hindi basta-basta kinakain sa kulturang Hapon ang naturang uri ng melon.
"Sa kulturang Hapon ang musk melon na yan ay hindi basta -basta kakainin 'yan, mas makikita mo yan 'na iniaalay sa mga templo, ibinibigay bilang regalo," paliwanag niya.
Pero ang naturang uri ng melon na Japanese musk melon, nakarating na pala sa Pilipinas, at itinatanim ngayon sa Lucban, Quezon ng agriculturist na si Michael Caballes.
Ayon kay Caballes, mabusisi ang proseso ng pagtatanim ng Japanese mush melon kaya ginagamitan nila ito ng modernong teknolohiya.
Pero ano nga ba ang kaibahan ng Japanese mush melon kumpara sa ibang melon para maging mahal ang presyo nito? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng "KMJS." Panoorin.-- FRJ, GMA Integrated News