Dahil umano sa tina na pangkulay ng buhok, isang ginang ang namaga ang mukha, tila nasunog at nagkasugat-sugat pa sa Surigao del Sur. Bakit kaya ito nangyari? Alamin.
Sa nakaraang episode ng Kapuso Mo, Jessica Soho, sinabing ayaw ng 65-anyos na si Nanay Nenita, na malitratuhang siya na may uban o puting buhok.
Kaya sa tuwing makakakita ng uban o puting buhok, agad niya itong kinukulayan gamit ang tina.
Noong Abril 12 nang magtina si Nanay Nenita sa kanilang bahay sa munisipyo ng Cortes gamit ang coloring shampoo na binili ng kaniyang anak.
Pangalawang beses na itong ginamit ni Nanay Nenita, at kalahating oras niyang ibinabad ang tina sa kaniyang buhok bago nagbanlaw.
Ngunit pagkaraan ng ilang oras na pagtitina, namula umano ang balat ni Nanay Nenita at halos malapnos ito.
“Nakita ko siya na nalapnos na ang mukha niya,” sabi ni Christopher, anak ni Nanay Nenita.
Bukod dito, hirap na rin siyang maidilat ang kaniyang mata, at nagkaroon din ng mga sugat sa kaniyang leeg at binti.
Nagpalipat-lipat ang pamilya ni Nenita ng ospital dahil walang pagamutan at doktor na malapit sa kanila, hanggang sa tanggapin siya sa Southern Philippine Medical Center sa Davao City, na halos apat na oras ang layo mula sa Cortes.
Hinala ng mga anak ni Nanay Nenita, may kinalaman ang tina sa nangyari sa kaniyang ina.
Nang bisitahin ng KMJS, makikitang nangitim ang mga sugat at namamaga pa rin ang mukha ni Nanay Nenita, at hindi niya maidilat ang kaniyang mga mata.
Kahit hirap maibuka ang bibig at hirap makapagsalita at makakain, isinalaysay ni Nanay Nenita ang kaniyang karanasan.
“Nakakatihan ako sa puting buhok, hindi ako makatulog kaya nagkukulay ako. Sana hindi na ako gumamit para hindi na mangyari sa akin ang ganiyan. Masakit masyado, para akong mamamatay na,” ani Nanay Nenita.
Kinailangan namang kalbuhin ang kaniyang buhok.
“Gusto ko nang gumaling kaagad para makauwi na ako. Mahirap dito sa ospital, nahihirapan ako. Hindi na ako magkukulay pa ulit, takot na ako talaga. Nagsisisi ako,” sabi ni Nanay Nenita.
Ipinagtaka ni Merylyn, anak ni Nanay Nenita, ang nangyari sa kaniyang ina dahil parehong brand ng tina rin ang ginamit niya sa kaniyang buhok ngunit wala itong negatibong epekto sa kaniya.
Ayon sa surgeon na si Dr. Bryan Amparo na sumuri kay Nanay Nenita, posibleng nagkaroon ng chemical reaction ang kaniyang balat sa ginamit na tina, o allergic siya rito.
Samantala, lumabas sa pagsasaliksik ng KMJS na rehistrado sa Food and Drug Administration ang ginamit na tina sa buhok ni Nanay Nenita.
Gayunman, magsasagawa sila ng imbestigasyon sa produkto.
Sinubukan ng KMJS na kunan ng pahayag ang owner at distributor ng tina ngunit tumanggi ang mga ito. Pero iginiit nilang ligtas ang kanilang produkto, at posibleng nagkamali lamang si Nanay Nenita ng paggamit nito. -- FRJ, GMA Integrated News