Pumanaw dahil sa rabies virus ang isang 13-anyos na babae sa Tondo, Manila. Ang biktima, hindi sinabi sa kaniyang magulang na nakagat siya ng aso dalawang buwan na ang nakalilipas.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News 24 Oras Weekend nitong Linggo, makikita na itinali na ang dalagita habang nasa kama ng ospital dahil hindi na mapakali at pagwawala.
Madidinig sa video na sinasabihan siya ng kaniyang ina na mahal niya ito.
Ayon sa kaniyang ina na si Roselyn Seraspe, nanghina na ang kaniyang anak nang dalhin nila sa ospital at bumula ang bibig.
Pagkaraan ng 12 oras matapos siyang madala sa ospital, binawian na ng buhay ang dalagita. Batay sa death certificate ng biktima, rabies encephalitis ang dahilan ng kaniyang pagkamatay.
“Hindi ko tanggap, ang hirap kasi alam mo na hindi ine-expect na mawawala siya sa amin, biglaan,” ayon kay Roselyn.
Kuwento ng ginang, dinala nila sa ospital ang anak nang lagnatin ito at nababalisa.
“Sabi niya, 'Mama hindi na ako maka-inom, hirap na akong maka-inom ng tubig. Mama baka may rabies na ako.' Doon sa narinig ko na may rabies. Sabi ko, 'Bakit? Nakagat ka ba ng aso?'” ayon kay Roselyn.
Napag-alaman na nitong nakaraang Pebrero nakagat ng aso ang dalagita sa Vitas Park in Tondo. Nang tanungin ng mga magulang kung bakit siya may sugat noon sa paa, sinabi ng biktima na sumabit lang siya sa alambre.
“Sabi ko bakit ngayon ka lang nag-sabi? Sabi niya, Mama, sorry Mama, sorry sabi niyang ganon. Sabi ko hindi naman ako magaglit sayo kung sinabi mo, dapat naagapan. ‘Ma, mamamatay na ba ako, mamamatay na ba ako?’ Doon ako kinabahan parang gusto ko nang mag-hysterical,” ayon kay Roselyn.
Bukod sa dalagita, napag-alaman mula sa barangay na may pitong iba pa na nakagat ang aso na nakakagat sa biktima.
Ang ibang biktima, dumadalo noon sa birthday party sa Barangay 99 sa Tondo noong February 10. Kabilang si Imari Lovi Retiro sa mga nakagat ng aso.
“Nang pag-atake niya sa akin sinisipa ko na siya then pagka-sipa ko sa kaniya talagang sinusugod niya talaga ako,” ani Imari, na kaagad ipinagamot ang sugat na tinamo mula sa aso.
Nahuli ng taga-barangay ang aso at dinala sa Vitas Veterinary Board. Namatay ito pagkaraan ng walong araw.
Ayon sa mga duktor, posibleng abutin ng araw, linggo, o buwan bago lumabas ang sintomas ng rabies sa nakagat na tao.
Kapag nakagat ng aso, dapat hugasan agad ang sugat at pumunta sa ospital.
Hindi raw dapat balewalain ang sugat dahil nakamamatay ang rabies.
“Pag ang animal is infected with rabies immediately nagta-travel ang virus sa ating system. Dapat yan wina-wash yan. Ten minutes vigorously with running water. Kung mero kayong antiseptic, meron ka alcohol o meron kayong iodine, on the site, pour liberally doon sa area ng wound site," paliwanag ni Dr. Juancho Bunyi, Muntinlupa City Health Officer.— FRJ, GMA Integrated News