Matapos maglabasan ang ilang komento ng netizens na nagdududa sa tunay na istorya sa likod ng viral na April Fool's Day post ng isang Takoyaki brand na may lalaki pang nagpa-tattoo sa noo ng logo nito, ang may-ari ng Takoyaki kios, inaming marketing strategy ang lahat.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing unang gumawa ng ingay sa social media ang pakulo ni Carl Quion, may-ari ng isang takoyaki brand, nang mag-post siya na magbibigay siya ng P100,000 sa sino man na magpapa-tattoo sa noo ng kanilang logo.
Naniniwala daw siya noon na wala naman tao na kakagat sa kanilang pakulo hanggang sa mag-post ang isang lalaki na si Ramil Albano, ng larawan niya na may logo tattoo sa noo.
Hindi na raw niya nabasa na April Fool's joke o prank lang ang post dahil ang naisip niya ay makatutulong sa dalawa niyang anak, na ang isa ay may Down Syndrome, ang makukuha niyang P100,000.
“Ever since hindi pa siya nakakapagpa-therapy,” ani Ramil. “Gusto ko lang na mapa-therapy siya nang maayos para makapagsalita na siya nang maayos.”
May iba pang nagpadala ng tulong kay Ramil na umabot umano ng P125,000.
At kahit na prank lang ang post, nagpasya si Carl na ibigay kay Ramil ang P100,000 at inalok pa niya na ipa-laser ang tattoo nito sa noo para mabura.
Pero kasunod nito, may mga netizens na nakapansin sa bilis ng pag-post ni Ramil ng litrato ng kaniyang tattoo na tila magaling na at walang bahid na tila kagagawa pa lang.
May mga nag-post din ng larawan na magkasama sina Ramil at Carl, na nais palitawin na dati na silang magkakilala.
Pero itinanggi ito noon ng dalawa.
Ngunit ayon sa ilang kapitbahay ni Ramil sa Caloocan, nakita nila ito na may tattoo na sa noo bago pa man sumapit ang April 1.
“March 2024 ng gabi. Sigurado ako hindi April 1 ‘yun. Nag-iinom lang kami nagulat ako pagtanggal niya ng sumbrero? Sabi ko, ‘Ano yan?’ Tattoo pala. Basta ipo-post daw ng April. Parang lipas na rin ‘yung tattoo. Pinicture-an ko gamit ang messenger, sinend sa kaibigan ko.” ayon sa isang kapitbahay na itinago sa pangalang “Ralph”.
May iba pang residente na nagsabi rin ng katulad na kuwento ni Ralph tungkol sa tattoo nito sa noo na nakita nila bago pa man sumapit ang April 1.
Hanggang sa kinalaunan, inamin na ni Carl na planado talaga ang lahat at bahagi ng kanilang marketing strategy ng kanilang produkto.
Lumalabas na noong Oktubre 2023 pa nila unang plinano ang gagawing gimik tungkol sa tattoo ng logo sa noo.
Tungkol sa pangyayari, sinabi ni Atty. Erika Lectura na, "Parehas sila puwede silang maging liable du’n sa crime ng other deceits. Maaari din silang parehas na maging liable or managot du’n sa damages na naging sanhi ng damage sa ibang tao ‘yung sa mga tumulong o mga nagpaabot ng pledges or donations provided na naglabas talaga sila ng pera.”
Kung nagkaroon man ng lokohan sa gimik, hindi naman maiaalis ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng isang anak ni Ramil na estudyante, at ang isa naman ay may Down Syndrome.
“Mayroong siyang tinatawag natin na Down Syndrome. It's a genetic condition na kung saan ang bata ay pinanganak na sobrang chromosomes,” paliwanag ni Dr. Ferdinand Salonga.
“So ngayon, ang uunahin natin sa kanya is ‘yung occupational therapy intervention and also since ‘di pa daw siya daw na exposed sa kahit anong therapy. Of course, bibigyan natin ng chance ‘yun. Occupational therapy intervention, and also, ABA therapy programs or applied behavioral analysis program being given by ABA certified professionals para mag-improve ‘yung mga developmental functions na na-identify natin sa kanya.” dagdag ng doktor.
Nagpasalamat si Ramil na naipatingin na niya ang anak sa doktor upang malaman kung ano ang kailangan nilang gawin.
Handa naman daw siyang isauli ang mga pera na ibinigay sa kaniya, pero ang iba, hindi na ipinapabalik ang pera na tulong daw talaga para sa kaniyang mga anak.
Paalala naman ng social media expert na si Janette Toral. "Kung ang habol natin ay gusto natin mag-viral tayo, baka naman puwedeng naman tayo gumamit ng mga totoong kuwento. Is it possible na itong content na ito ma-misinterpret ng tao? Puwede ba siyang maka-deceive? So kung ang sagot mo no, then okay, pasado ‘yung content mo.”
Mensahe naman ni Carl, "Ito halo-halong emosyon, kaba, takot, mga nagalit o nainis, sa mga natuwa, humihingi ako ng patawad sa kanila."
—FRJ, GMA Integrated News