Nabahala na may kasamang takot ang ilang residente sa isang barangay sa Cebu City nang biglang nawala ang isang babaeng anim na taong gulang na hinihinalang tinangay ng maligno. Sa dilim ng gabi, nag-ingay ang mga tao habang naghahanap sa paniwalang maririndi ang maligno at ibabalik ang bata.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ikinuwento ni Jenevie Retiza, ina ng batang itinago sa pangalang “Elena,” na dakong 8 p.m. nang mapansin nilang nawawala si Elena.
Pero bago nito, tinanong niya ang anak kung saan pupunta ngunit hindi ito sumagot at sumama na sa kaniyang mga kalaro. Naglaro ang bata sa tapat ng kanilang bahay malapit sa isang Rubber tree na pinaniniwalaang tinitirhan ng maligno.
Nakauwi pa ang bata matapos maglaro pero nang hanapin na siya ng kaniyang ina, hindi na makita si Elena. Humingi na ng tulong sina Retiza sa kanilang mga kapitbahay para nahanpin ang anak.
Nang sumapit na ang 10 p.m., naisip ni Retiza na humingi na rin ng tulong sa "manggagamot" o albularyo para alamin ang kinaroroonan ng bata.
“Ito ‘yung sinubay ko. Kung may kumuha, itong kahoy, tataas ito. Pagsubay ko sa bata, tumaas itong kahoy. Kaya ‘yung nagtago sa kaniya, maligno,” ayon sa manggagamot na si Neneng Navaja.
Kaya nagbayanihan sa pag-iingay ang halos buong barangay at walang tigil sa paghahampas ng mga dala nilang kawali at kaldero sa pag-asang maiingayan ang maligno at mapipilitang ilabas si Elena.
Maya-maya pa, nagpausok na rin ang kapitbahay na si Adelina Agustin malapit sa truck kung saan huling nakita ang bata. Hanggang sa may napansin siya sa nakaparadang truck.
“‘Pag-flashlight ko dito sa gilid ng sasakyan, unang nakita ko ay paa ng aso. Kaya binalewala ko lang. Kaso iba ‘yung nararamdaman ko nu’ng panahong ‘yun! Parang umiinit tapos may humihila ng buhok ko sa likod! Pero nasa isip ko, sumigaw ako! ‘May bata, may bata!’” sabi ni Adelina.
Nakita si Elena sa ilalim ng truck.
“Pagkakita ko sa bata, ang hitsura ng mukha niya, maitim, sobra-sobra! Tapos ‘yung mata niya, mapula,” sabi ni Adelina.
Hindi raw naniniwala si Adelina sa mga maligno noong una, ngunit mga oras na iyon, iba ang kaniyang pakiramdam.
“Ako na ‘yung nagbuhat. Nagmadali akong pumunta sa maraming tao. Hindi siya umiyak, parang mukha ng aso na parang galit. ‘Yung mata niya ay maitim na maitim. Ang kaniyang katawan ay parang putik pero hindi siya basa. Parang abo! Parang galing sa lupa noong hinila ko,” sabi ni Stephen Jamlan, kapitbahay.
Nang tanungin si Elena kung ano ang nangyari sa kaniya, sinabi ng bata na may humila sa paa niya habang naglalaro siya malapit sa truck, na nasa tabi ng puno.
“Nilagay nila ako sa ilalim ng truck. Hindi ko makita ‘yung mukha niya kasi tinatakpan niya. Pagkatapos noon, pinasok niya ‘ko sa bahay. Sobrang laki noong bahay nila tapos ang ganda,” anang bata.
Ayon pa kay Elena, hindi nila kapitbahay ang kumuha sa kaniya kundi “malaking tao.”
“Narinig ko ‘yung mga boses nila noong nagpausok sila. Tahimik lang kasi ‘pag maingay ako, papatayin nila ako,” sabi pa ni Elena.
Sinabi ng manggagamot na tirahan umano ng maligno ang Rubber tree malapit sa truck kung saan nakita si Elena.
Ayon kay Agustin, may nakatira umanong matanda noon sa may puno ng goma, na laging nag-aalay sa tinatawag na "agta" tuwing Biyernes.
“Ang agta ay isa siya sa kategorya ng mga kapre na malaking mukhang tao naman, pero twice ‘yung kalakihan Mahilig din siya na tumambay sa mga puno,” sabi ni Teresa Paula de Luna, PhD, anthropologist.
Ang mga lokal na awtoridad, sinabing walang palatandaan na umalis sa kanilang lugar ang bata o napunta sa kalsada.
Sumailalim din sa psychiatrist si Elena upang maunawaan ng kaniyang ina ang kaniyang naging karanasan.
“Kahit iba-ibahin mo ‘yung tanong, consistent ‘yung answer niya. There are really no overt signs of psychiatric problems. Then more of psychotherapy because there might be signs of trauma Na hindi lang siya visible at this point and time,” paliwanag ni Dr. Glenda Basubas, chairman ng Vicente Sotto Memorial Medical Center.-- FRJ, GMA Integrated News