Sinabi ni Senador Raffy Tulfo na may isang mananaya sa lotto ang nanalo ng 20 beses sa loob lang ng isang buwan, at mayroon ding isang mananaya na 10 beses namang tumama sa loob din ng isang buwan. Batay umano ito sa ibinigay na listahan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng mga nanalo sa lotto.
"'Yung PCSO nagbigay ho sa akin ng listahan...Ito nga po ang sabi ko medyo nakakataas ng kilay, meron doon na isang tao nanalo ng 20 times in one month. Meron dun 10 times in one month," sabi ni Tulfo sa panayam ng Dobol B TV nitong Martes.
"Siguro baka magkapangalan pero still pare-pareho 'yung premyo ang pinanalunan...Paulit-ulit in one month... Lalong tumambak ang mga question," patuloy ng senador.
Si Tulfo ang nangunguna sa isinasagawang imbestigasyon ng isang komite sa Senado kaugnay sa integridad ng resulta ng mga lotto draw. Bukod sa listahan ng mga nanalo, isinumite rin ng PCSO sa komite ang iba pang dokumento tungkol sa lotto games at tax records.
"Bakit tuwing draw, may nananalo na? Ngayon, walang mintis. Samantalang nu'ng panahon na wala pa tong e-lotto, ang tagal bago mapanalunan. Inaabot ng isang buwan, dalawang buwan," puna ni Tulfo.
Susuriin ng PCSO
Sa hiwalay na panayam ng Dobol B TV, sinabi ni PCSO General Manager Mel Robles na susuriin nila ang obserbasyon ni Tulfo.
"I wouldn't know [that]. Ako, personally, hindi ko po tinitingnan 'yon. Pero I'll check, I'll look into that kung meron pong ganon. Kasi hindi naman po kami tumitingin na n'yan after namin maibigay e," paliwanag ni Robles.
"Puwede imbestigahan 'yan. 'Di naman mahirap imbestigahan 'yan e," dagdag niya.
Dati nang sinabi ni Robles hindi maaaring dayain o manipulahin ang resulta ng lotto draw.
“We would like to assure you that you can never, never manipulate it. Kaya nga allowed kami mag-bet, Mr. Chair. Even I can bet because it’s beyond me. Even if we wanted to, with the system we have, we cannot,” pahayag ni Robles sa isang pagdinig ng komite sa Senado.
“I take exception na kayang panalunin. Definitely, madami pong tataya kung malaki ang jackpot. ‘Yun po naman ang objective namin– to really bring in bettors,” paliwanag pa niya.—FRJ, GMA Integrated News