Sinimulan nang hanapin ang pinaniniwalaang dambuhalang sawa sa Calasiao, Pangasinan na posible umanong nasa mahigit 20 talampakan ang haba at ga-poste na kuryente ang taba.
Nakaramdam ng takot ang mga residente sa Barangay Bued nang makita nila ang pinagbalatan ng sawa na nasa 16 na talampakan ang haba.
Pero ayon sa mga opisyal, putol ang naiwang pinagbalatan ng ahas na hinihinalang reticulated python.
Kaya tinatayang aabot sa 23 hanggang 25 na talampakan talaga ang haba nito.
Sa video upload ni Joan Ponsoy ng GMA Regional TV One North Central Luzon sa Facebook, makikita kung gaano kahaba ang pinagbalatan ng sawa.
Sa Facebook post naman ni Calasiao Mayor Kevin Roy Macanlalay, sinabing nagsasagawa na ng imbestigasyon ang pulisya, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO ), Municipal Environment and Natural Resources Officer (MENRO) at mga opisyal ng barangay sa Bued, sa masukal na lugar kung saan posibleng nagtatago ang sawa.
Hiningi na rin umano ang tulong ng vlogger at snake rescuer na si "PrincessTuklaw," para mahanap at mahuli ang sawa, na pinaniniwalaang 30 taon na ang edad.
Naglagay na rin ang babala sa lugar kung saan posibleng nagtatago ang sawa upang hindi puntahan ng mga tao, lalo na sa gabi dahil sa panganib na makaengkuwentro ang dambuhalang sawa.
Una rito, inihayag ng mga residente sa lugar na may nawawala silang mga alagang hayop gaya ng mga manok at aso na pinaniniwalaan nilang tinangay ng sawa. -- FRJ, GMA Integrated News