Ang inakalang simpleng sugat na gagaling at mawawala, lumalala at mistulang nalulusaw ang balat sa apektadong parte ng katawan. Ang dahilan pala, ang sakit na skin tuberculosis na konektado sa tuberculosis sa baga.
Sa ulat ni Oscar Oida sa "Dapat Alam Mo," ibinahagi ng 25-anyos na si Queenie Matahum, ang naging karanasan niya sa skin tuberculosis na nakaapekto sa kaniyang mukha, partikular sa ilong.
Ayon kay Queenie, 10-taong gulang lang siya noon nang makaranas siya ng pagkahapo, pagdurugo ng ilong, nagko-collapse, at sumusuka rin ng dugo.
Pero hindi niya ito masyadong ikinabahala dahil sa akalang dulot lang iyon ng mainit na panahon.
Hanggang sa tinubuan siya ng butlig sa gilid ng ilong, na kinalaunan ay naging sugat hanggang sa tila unti-unti nang nalulusaw ang balat sa nasabing parte ng kaniyang mukha.
"Namamasa siya, nagnanana rin siya. Sobrang sakit, sobrang kati," ani Queenie.
Ilang duktor daw ang kanilang pinuntuhan pero hindi kaagad sila nabigyan ng sagot sa kung ano ang dahilan ng kaniyang kondisyon dahil sa isa pala itong pambihirang sakit ng tuberculosis na tumatama sa balat, hindi lang sa baga.
Hanggang sa isang pastor ang tumulong sa kanila at naipakonsulta si Queenie sa isang espesyalista at doon na nila nalaman na mayroon siyang skin tuberculosis.
Ayon sa eksperto, senyales na malala na ang tuberculosis sa baga ng pasyente kapag nakararanas na siya ng tuberculosis sa balat.
Sinabi ni Dra. Jarische Lao-Ang, dermatologist, St. Lukes' Medical Center, na tinatawag din ang skin tuberculosis na cutaneous tuberculosis, na dulot ng bacteria na mycobacterium tuberculosis, na siyang umaatake sa baga.
Mula sa baga ay kaya nitong kumakalat at nakaapekto sa dugo, kulani at sa sugat.
Kailangan umano ng mycobacterium tuberculosis ng oxygen para mabuhay kaya inaatake nito ang baga.
Sa kaso ni Queenie, naging mas lantad umano ang bacteria sa kaniyang dugo, na mas lumala ang impekyon sa sugat sa bahagi ng kaniyang ilong.
Kung hindi kaagad magagamot, kakainin ng bacteria ang bahagi ng balat na tila nalulusaw. Ang gamutan sa skin tuberculosis at katulad din ng gamutan sa TB na baga.
Anim na buwan na sumailalim sa gamutan si Queenie, at kinailangan din siyang operahan para ayusin ang bahagi ng ilong na nasira ng bacteria.
Sa kabila ng kaniyang pinagdaanan, nananatiling positibo ang pananaw sa buhay ni Queenie at nakikipagsabayan sa mga uso tulad sa social media.-- FRJ, GMA Integrated News