Maaari na umanong luminaw ang malabong paningin ng isang tao sa pamamagitan ng Orthokeratology o “ortho-K.” Tila ito contact lenses na inilalagay sa mata kapag natulog para itama ang korte ng cornea. Pero ligtas naman kaya itong gamitin? Alamin.
Sa kuwentong “Dapat Alam Mo!” ni Bernadette Reyes, ipinaliwanag ng optometrist na si Jessie Caguioa, na ikino-correct umano ng ortho-K ang vision sa mata habang natutulog kaya lumilinaw ang paningin pagkagising.
“Nakakatulong siya na ma-correct ‘yung vision. Ito ay temporary correction," paliwanag ni Caguioa. "Kapag isinuot sa gabi, the following day ay malinaw ang paningin."
Idinagdag ni Caguioa na dapat isinasabay sa pagtulog ang paglalagay ng ortho-K at aalisin na pagkagising.
Kaya raw manatiling malinaw ang paningan ng isa hanggang dalawang araw.
Sa pamamagitan ng ortho-K, dahan-dahan umanong itinatama ang hugis ng cornea upang maisaayos ang nearsightedness, farsightedness, at astigmatism ng mga mata.
Pero paalala niya, temporary correction lamang sa grado ng mata ang kaya nitong ibigay.
Hindi raw bago ang ortho-K dahil ginagamit na ang non-surgical vision correction na ito noon pang dekada 40 sa Estados Unidos at Europa.
Ayon kay Caguioa, aprubado rin ito ng FDA, maging ang materials at mga design nito.
Nagkakahalaga ng P45,000 pataas ang presyo ng ortho-K, kasama na ang konsultasyon sa doktor.
Isa ang radio DJ at fitness coach na si Hannah Bacani, na may astigmatism, ang gumagamit ng ortho-K na epektibo raw sa malabo niyang paningin.
Pero babala ng optometrist na si Aldwin Lanerio, kailangang maging maingat sa paggamit ng ortho-K dahil na rin sa pagiging sensitibo ang mga mata.
“Ang range na puwedeng gamitin ‘yung ortho-K natin is within one to three years. Limitado ang paggamit ng ortho-keratology contact lenses sa mga taong lampas 600 ang grado at astigmatism na mas mataas sa 200,” sabi ni Lanerio.
Dagdag ni Lanerio, hindi rin puwedeng gumamit ng orthokeratology contact lenses ang mga taong may corneal abnormalities gaya ng keratoconus, active eye infections, eye injury, severe dry eye, allergy sa mga contact lens solution, at ang pagtaas ng presyon ng mata o tinatawag na glaucoma.
Sabi pa ni Lanerio, kapag may mishandling ng orthokeratology contact lenses, maaari itong magdulot ng eye discomfort, glare o pagkasilaw, o mga halo na nakikita mula sa mga ilaw, eye infections na puwedeng mauwi sa iba’t ibang corneal diseases lenses, at eye irritation.-- FRJ, GMA Integrated News