“‘Yun na lang ang paraan para makakasama ko ‘yung father ko on my wedding day. Parang siya ang maghahatid sa akin sa araw ng kasal,” sabi ng bride na si Judy Aclan sa “Kapuso Mo, Jessica Soho.”
Gayunman, halos isang dekada nang naibenta ng kaniyang amang si Tatay Francisco ang puting SUV na nabili nito noon na segunda-mano. At hindi rin nakilala ni Judy kung sino ang pinagbentahan ng kaniyang ama.
Taong 2003 nang mabili ni Tatay Franciso ang sasakyan na nagsilbi nilang kauna-unahang family car.
Ito rin ang ginamit ni Tatay Francisco noong ihatid niya si Judy sa ospital nang manganak sa panganay nito na si Chesca. Si Tatay Francisco na rin ang naghahatid sa anak ni Judy mula pa noong kindergarten hanggang high school.
Si Tatay Francisco rin ang nagmaneho noong graduation ng kaniyang anak, at ang puting kotse rin ang ginamit nila tuwing may mga kaarawan at nagpupunta sila sa mga beach.
Makaraan ang 13 taon, kinailangan nila itong ibenta at palitan ng kotse na may aircon dahil maysakit na si Tatay Francisco. Kung dati ay si Judy ang ipinagmamaneho ng ama, siya naman ang naghatid-sundo rito sa ospital nang magkasakit.
Noong 2020 nang pumanaw sa edad na 82 si Tatay Francisco.
Ipinagpatuloy ni Judy ang buhay at kinalaunan ay nahanap niya ang kaniyang forever na si Christopher na kaniyang pakakasalan.
“I wish ikaw ‘yung maghahatid sa akin on my very special day. Kasi pareho nating hinintay itong araw na ‘to eh. Pero wala ka. I wish with all of my heart, ikaw ‘yung maghahatid sa akin,” madamdaming sabi ni Judy para sa kaniyang ama.
Dahil nakita niyang may kamahalan ang renta sa bridal car, naalala ni Judy ang puting kotse na ginamit noon ng kaniyang ama at naisip niya na ito na lang sana ang kanilang gamitin.
Hinanap ni Judy ang mekanikong nagsilbing middleman sa bentahan ngunit wala itong contact number ng taong nakabili.
Kaya naman nanawagan si Judy online para mahanap ang ibinentang puting kotse ng kaniyang ama.
Hanggang sa makatanggap siya ng mensahe na nagtuturo kung saan niya mahahanap ang dati nilang sasakyan.
Nang puntahan niya ang bahay ng nakabili sa dati nilang SUV, may hindi inaasahan si Judy na gagawin ng bagong may-ari ng sasakyan na labis niyang ikinatuwa.
Tunghayan sa video ng KMJS ang buong kuwento. --FRJ, GMA Integrated News.