Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maaaring nakaapekto na kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ang iniinom nitong gamot na fentanyl na mayroon umanong matinding "side effect."

“I think it’s the fentanyl,” tugon ni Marcos nang hingan ng komento kaugnay sa alegasyon laban sa kaniya ni Duterte na "bangag" siya at nasa listahan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)

"It is highly addictive and it has very serious side effects. And PRRD [Duterte] has been taking the drug for a very long time now. When was the last time he told us that he was taking fentanyl? Mga (Around) five, six years ago? Something like that. After five, six years it has to affect him," sabi ni Marcos sa mga mamamahayag nitong Lunes bago siya umalis patungong Vietnam para sa state visit.

BASAHIN: Fentanyl an ‘emerging drug problem’ in Philippines —PDEA

Umaasa si Marcos na aalagaan ng mga duktor si Duterte.

"Kaya palagay ko kaya nagkakaganyan. I hope his doctors take better care of him, hindi pinapabayaan itong mga nagiging problema," sabi pa ni Marcos na hindi direktang ipinaliwanag kung ano ang masamang epekto sa tao nang matagal na pag-inom ng fentanyl.

BASAHIN: US doctors over-prescribed deadly drug fentanyl to patients

Nang direktang tanungin si Marcos tungkol sa alegasyon ni Duterte na gumagamit siya ng ilegal na droga, "natatawang tugon ng Punong Ehekutibo, "I won't even dignify the question."

 

 

Nitong Lunes, naglabas din ng pahayag ang PDEA para pabulaanan ang alegasyon ni Duterte na nasa drug watch list nila si Marcos.

Sa pagtitipon kontra sa People's Initiative na paraang ng Charter change sa Davao City nitong Linggo, sinabi ni Duterte na nais ng mga Marcos na magtagal sa kapangyarihan.
Tinawag din niyang "bangag" ang pangulo.

"Nung ako mayor, pinakitaan ako ng evidence ng PDEA. Doon sa listahan, nandoon yung pangalan mo," he said, referring to the Philippine Drug Enforcement Agency. "Ayaw kong sabihin 'yan kasi magkaibigan tayo. Kung 'di man magkaibigan, magkakilala. Eh ikaw eh, pumapasok kayo nang alanganin. Mr. President, baka susunod ka sa dinaanan ng tatay mo. Diyan ako takot. Ayaw ko mangyari sa iyo 'yan. Ako lang nagmamakaawa kasi it will divide the nation at madugo itong panahong ito," ayon kay Duterte. —may ulat sina Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News