Palaisipan sa isang pamilya sa Albay ang tila yelo na lumilitaw sa dingding ng kanilang bahay gayung wala naman silang freezer na malapit sa pader. Yelo nga ba ang kanilang nakita na dahil sa malamig na panahon?
Sa ulat ni Kim Atienza sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing sementado ang naturang pader ng bahay ng pamilya Añonuevo ng Legazpi, Albay.
"Ang mga anak ko nang gumising sila madaling araw, nakita yung yelo dito sa pader namin. Malaki saka makapal. Ngayon lang namin na-experience 'yan," sabi ni Jome.
Nalulusaw naman daw ang pinaniniwalaan nilang yelo kapag hinawakan at kung malakas ang init.
Hinala nila, ang malamig na panahon ang dahilan kaya nagyeyelo ang kanilang pader.
Ayon kay Kuya Kim, ang yelo ay tubig na frozen o nasa solid form. Nabubuo ito kapag ang temperatura ng tubig ay umabot ng zero Degrees Celcius o mas mababa pa.
Para sa PAGASA, malabo na yelo ang namuo sa pader ng pamilya Añonuevo dahil naglalaro lang sa 24 Degrees Celsius ang minimum temperature, o pinakamalamig na panahon sa Legazpi.
Malabo rin umano na andap o frost ang puting bagay na lumilitaw sa pader dahil kailangan din na zero o freezing temperature ang sitwasyon ng panahon sa Legaspi para mangyari iyon, gaya nang nangyayari sa mga tanim na gulay sa Benguet.
Pero kung ang chemist na si Janir Datukan ang tatanungin, ang puting bagay na lumilitaw sa pader ng pamilya Añonuevo ay maaaring deposit ng "asin" na nabubuo sa surface ng kongkreto na kung tawagin na kung tawagin ay efflorescence.
"May mga salts maaari itong mag-dissolve sa water, nagpo-form siya ng solution. Kapag itong mga solution na ito ay nasa loob ng semento, ang tendency nito ay lumabas sa semento at pupunta yan sa surface," paliwanag niya.
"Makikita natin nagmo-moist o namamasa yung semento and then mag-e-evaporate yung water so magda-dry. Naiiwan yung residue nung salt, 'yan 'yung puting substance na nakikita natin [na parang yelo," patuloy niya. -- FRJ, GMA Integrated News