Inihayag ni Kris Aquino na posibleng umuwi ng Pilipinas at magtrabaho ang kaniyang anak na si Bimby dahil tumataas pa lalo ang kaniyang gastusin sa pagpapagamot sa Amerika.
Sa Instagram, sumagot si Kris sa komento ng Cornerstone Entertainment artist handler na si Cristine Calawod sa isa niyang post.
“Love you madam! be well,” saad ni Cristine, “we are all praying for you!”
Tumugon dito si Kris at ipinaalam kay Cristine na, “Bimb might go home after my birthday."
"He needs to work because my medical bills are already getting higher & higher," sabi ni Kris.
Ayon pa kay Kris, gagamitin ni Bimby ang tunay nitong pangalan at hindi magkakaroon ng screen name.
“But Tin, the stage mom is already saying NO to a name change. He’ll stay as Bimb. No last lame, like Drake,” sabi ni Kris.
Noong July 2023, sinabi ni Boy Abunda na nagsilbi siyang guardian ni Bimby sa isang "exploratory" meeting sa Cornerstone Entertainment.
"I hosted a dinner for Bimby, totoo po 'yan na doon sa pag-uusap namin, we're trying to explore kung ano ang mga pwedeng mangyari," ayon kay Tito Boy. "The possibilities kung mag-a-artista ba si Bimby, ano ba ang mga gagawin but it was more of an exploratory meeting.”
Kamakailan lang, inihayag ni Kris sa kaniyang health update sa social media na may sintomas na siya ng early stage ng lupus.
"I am already exhibiting many symptoms for another autoimmune connective tissue disease - it's highly likely based on my ANA count, my high inflammatory numbers, my anemia, my now constant elevated blood pressure at night and consistent appearance of the butterfly rash on my face that I'm on the initial stage of lupus," saad ni Kris sa video habang patuloy na nagpapagamot sa Amerika dahil sa kaniyang autoimmune conditions.
Kasabay nito, tiniyak ni Kris na patuloy niyang lalabanan ang kaniyang mga karamdaman.
"I promised my sons and my sisters I won't be a wimp," saad niya. "Bawal sumuko, tuloy pa rin ang laban."— FRJ, GMA Integrated News