Ngayong digital na ang mga transaksiyon na instant na ang pagsa-shopping online, pagpapadala ng pera, at maging ang paghahanap ng love life, hindi na rin mawawala ang mga manloloko o kawatan online. Ano nga ba ang mga “red flag” o palatandaan na scammer ang ka-chat o kausap mo online? Alamin.
Sa programang Dapat Alam Mo!, sinabi ng cyber security expert ng Armed Forces of the Philippines na si Colonel Francel Margareth Padilla, na dapat maging mapanuri ang publiko at huwag agad pansinin o kakausapin kung kaduda-duda ang personalidad ng kausap, gaya ng mga nagpapadala ng mensahe tulad sa e-mail.
“Ang bawat scam po is an appeal to emotion. So, ‘yung emotion po natin, laging ‘yan ‘yung gusto nilang targetin. So, puwede po siyang fear, takot, puwede pong kasiyahan, ‘yan po ‘yung mga ‘Nanalo ka, nanalo ka.’ Pagmamahal, ‘yan po. So, lahat po ng iba't-ibang emotion, yan po ‘yung tinatarget nila,” sabi ni Padilla.
'Dapat umanong ituring “red flag” o kaduda-duda ang mga mensahe na “nanalo” ang isang tao sa isang raffle promo, lalo na kung wala ka namang sinasalihan.
Tungkol naman sa pagpapadala ng pera, maituturing na “red flag” kung magkaiba ang pangalan ng kausap sa ibinigay nitong bank o GCash account.
May mga scam rin sa online banking na tinatawag na “waterhole attacks,” na ginagaya ang website ng bangko na kapag na-click, makukuha na ang detalye ng taong bibiktimahin.
Isang palatandaan nito ang URL, kung saan HTTP lamang ang nakalagay sa halip na HTTPS. Ayon kay Padilla, hindi secured ang HTTP.
Ang URL o Uniform Resource Locator, ay mistulang address sa website na makikita sa itaas na bahagi ng web browser kung gumagamit ng internet. Gaya halimbawa nito (https://www.gmanetwork.com/news/balitambayan/) na mayroon "s" ang "HTTPS" sa web address na ibig sabihin ay "secure" na ligtas na i-click o buksan.
Kung walang "s" o "HTTP" lang ang nakalagay, magduda o mag-ingat na buksan ang link.
Pagdating naman sa pakikipagrelasyon online, isa sa mga red flag ang tao na wala namang koneksiyon ngunit bigla na lang nagpapadala ng mensahe.
Isa pa ang mga nanghihingi ng sustento o pera.
Ilan sa mga maaaring lapitan ng mga nabiktima ng online scam ay ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) sa ilalim ng Department of Information and Communications Technology, ang Regional Anti-Cybercrime Unit (RACU) ng Philippine National Police at ang National Bureau of Investigation.-- FRJ, GMA Integrated News