Dahil sa kahirapan ng buhay, pikit-matang pinapasok ng ilang kababaihan ang "industriya" ng surrogacy sa Pilipinas na mistulang pinapaupahan nila ang kanilang bahay-bata para sa mga "kliyenteng" hindi makabuo ng anak. Dapat na bang nagkaroon ng regulasyon tungkol dito para sa kapakanan ng surrogate mother (SM) at intended parent (IP)?
Sa isang episode ng "DigiDokyu," ibinahagi nina "Diana" at "Ruby," hindi nila tunay na pangalan, ang kanilang naging karanasan nang pasukin ang kalakaran ng surrogacy na isang patagong transaksyon online.
May mga nahihikayat na kababaihan na pasukin ang kakaibang "hanapbuhay" dahil sa posibleng kitain na aabot sa P300,000 hanggang P1 milyon.
Ang surrogacy ay isang paraan na magbubuntis at manganganak ang isang babae. Pero kapag naisilang na niya ang sanggol, kukunin sa kaniya ang bata para ibigay sa IP na nagbayad sa kaniyang pagbubuntis.
Si Ruby, kahirapan ang nagtulak para maging surrogate mother.
"Masakit kasi hindi mo nabibigay yung gusto nila. Kaya siguro pumasok din sa sistema ko na, oh sige, papasok ako sa ganitong trabaho kahit alam ko na kapag nanganganak ang isang babae, hindi mo alam kung gigising ka pa bukas o hindi na," pahayag niya.
Bago pa maging surrogate mother, naranasan na rin ni Ruby na malayo sa anak nang ipaampon niya ang bata dahil din sa kahirapan.
"Nung mga panahon na 'yon talagang walang-wala. Wala na akong choice. Ngayon, nakakain siya ng gusto niya, nakakainom siya ng gatas na afford ng kumuha sa kaniya," ayon kay Ruby. "Sobrang disappointed ako sa sarili ko, kasi parang bakit pinapasok itong buhay na ito, tapos hindi ko naman pala kaya. Hindi ko kayang panindigan."
Nakadagdag din sa bigat sa kalooban ni Ruby ang mga panghuhusga sa kaniya ng kaniyang mga kamag-anak na sinasabihan siyang pabayang ina gayung hindi umano alam ng mga ito ang tunay na nangyayari.
Kapag umaalis upang magbuntis, idinadahilan ni Ruby sa mga anak at pamilya na magtatrabaho siya sa ibang lugar kaya mawawala nang nasa isang taon
"Hindi ka puwedeng pumunta kasi makikita nila na buntis ka. Napakahirap talaga. Hindi mo sila makatabi kapag may sakit sila, hindi mo sila maalagaan, parang anytime puwede silang mawala. Tapos wala ka sa tabi nila," emosyonal niyang pahayag.
Habang nagdadalang-tao, nakatira pansamantala si Ruby sa isang bahay na kung tawagin nila ay “staff house.” Dito ay tinututukan ang kanilang pagbubuntis hanggang sa makapanganak sila.
Ayon kay Ruby, nagkakaroon ng background check sa mga babaeng pumapasok sa surrogacy at sinisigurado na handa itong magpakamagulang sa bata hanggang sa makuha ng IP o kliyente ang sanggol.
May dalawang paraan din para maging surrogate mom ang mga katulad ni Ruby. Isa ang paglalagay sa kanila ng punla o IVF, o in-vitro fertilization, at ang tinatawag na "traditional" o makikipagtalik sa kanila ang lalaki, na mas peligroso umano.
Dahil hindi regulated ang naturang kalakalan, maging ang social media o networking site sa naturang mga transaksyon, maaaring maging potensyal ito ng panloloko at human trafficking.
Ayon kay Ruby, may kausap siyang IP sa ibang bansa pero ang nais ay tradisyunal na paraan ang pagbubuntis niya, o kailangan niyang makipagtalik.
"Delikado pero siguro kailangan," saad ni Ruby na unang beses umano niyang gagawin kung sakali.
Si 'DIANA'
Ang makapagpatayo ng bahay ang isa sa mga dahilan kaya pumasok sa pagiging SM ng single mother na si Diana.
"Mayroon akong isang kakilala na nag-udyok sa akin na pumasok ka sa ganitong trabaho kasi daw malaki yung kita. As a single mom, gusto ko talagang makapagpatayo ng sarili kong bahay," kuwento niya.
"Kahit alam ko namang risky, pero pinasok ko pa rin siya para sa mga anak. And then, first day namin [ sa staff house], so hirap kami sa pagkain para po kaming patay gutom. Kapag narinig mo yung kaldero, dapat bumaba ka na agad kasi mauubusan ka ng pagkain," patuloy niya.
Mistulang nakakulong umano sila, may isang ceiling fan at siksikan sa higaan. May iba pa raw na SM ang pinagbubuhatan ng kamay ng namamahala kahit buntis na.
Hindi gaya ni Ruby na maayos na nailuwal ang ipinagbuntis, si Diana, nakunan dahil na rin sa hindi naging maganda ang kondisyon sa kaniyang napuntahan.
Nagawa naman niyang makaalis nang magdahilan siya na masakit ang ulo at kailangan lang bumili ng gamot pero hindi na siya bumalik.
Dahil may trabaho na, hindi na umano susubok muli si Diana na maging SM.
Ayon kay Atty. Archill Capistrano, isang children and gender rights advocate, may mas malalim na dahilan ang mga Pilipino kung bakit pumapasok sa ganitong klaseng trabaho.
"Ang usapin ng surrogacy kasi, komplikado siya. Hindi mo dapat ini-impose kung ano ang moralidad, kung ano ang tama, so it's basically the conditions of these women, for instance, and we do not blame them. In fact, it is not good to judge them. Instead of banning, you regulate," paliwanag niya.
Noong Mayo 2023 nang ihain ni Zamboanga City Congressman Khymer Olaso ang House Bill 8301, na layuning i-regulate sa bansa ang Assisted Reproductive Technology (ART), kabilang ang surrogacy.
"Sa ngayon, wala po tayong batas, kung sinong nagkasala, whether yung carrier o yung pares talaga, wala tayong mahabol. But if we will have this law, the soonest, then we can chase them," ayon kay Olasa.
Panahon na nga ba para maregulate ang surrogacy at anong proseso ang dapat na pairalin sa pagbubuntis ng babaeng magpapaupa o magpaparenta ng kaniyang bahay-bata? At alamin kung sino ang celebrity na nagkaroon ng walong anak sa pamamagitan ng surrogacy sa ibang bansa. Tunghayan sa video ang kabuuang ulat.-- FRJ, GMA Integrated News