Dahil sa kanilang mga pakulo sa social media, dalawang lalaki ang kumikita ng libu-libong piso sa pamamagitan ng pagtahol na parang aso at pagtulog online. Paano nila ito ginagawa? Alamin.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Mark Adrian “Taypeng” Navarro, isang senior high school student sa Antipolo Rizal, na naisip niyang gumawa ng sarili niyang AI live suot ang kaniyang trademark na fake mask.
Ayon kay Navarro, hindi niya alam noong una na puwede palang pagkakitaan ang ginagawa niya sa Tiktok, na AI live.
Kailangang gayahin ni Navarro ang mga ipinapagawa sa kaniya kapalit ng "gift" na ipinadadala ng kaniyang live viewers. May katumbas na halaga kasi ng pera ang bawat gift.
Layon ni Navarro na makakuha ng lion na may halagang 34,000 coins, o katumbas ng P20,000.
“Ginanahan talaga ako noong binibigyan talaga ako ng maraming gift. Noong tipong nahawakan mo na ‘yung pera, sobra bumawi yung lakas ko doon,” sabi ni Navarro.
Ngunit naging pinakapatok noong gumawa siya ng sarili niyang karakter na aso na tumatahol.
“Ginagawa na ‘to in other countries. Ang tawag sa kanya NPC, non-player character, live. ‘Yung mismong AI live itself, tao yan talaga, as in kumikilos lang sila na parang non-player character. And gagawa ka lang ng gimmick. The better your gimmick, the more people will give you rewards,” paliwanag ni Dominic Ligot, founder ng Data Ethics PH.
Marami man ang natutuwa, umabot sa puntong sumasakit na ang katawan ni Navarro, kaya siya na mismo ang humihindi sa mga ipinadadala sa kaniyang coins.
Sa likod ng kaniyang pagtahol na parang aso at pagpapawis ang kagustuhan ni Navarro na maipagamot ang kaniyang ina na may sakit sa puso.
“Naaawa din ako sa kaniya. ‘Pag nakikita ko siya, ‘Anak, pahinga ka na, tulog ka na.’ Siyempre, iniisip ko rin naman ‘yung kalusugan niya,” sabi ni Aida Navarro, ina ni Navarro.
“Si mama lang ‘yung pinakasandigan at tumatayong magulang sa amin. Pinag-aaral niya kaming apat, sabay-sabay ‘yun, dahilan na, bakit gusto ko tumulong sa family ko,” sabi ni Navarro.
Dahil sa kaniyang AI live ng halos gabi-gabi, napaayos na ni Navarro ang kanilang bahay. Higit sa lahat, napapatingin na niya sa doktor at nabibilhan ng gamot ang kaniyang ina.
Sa kaniyang pagtahol na tila aso live kasama ang Team KMJS, nakatanggap si Navarro hindi lang ng isa kundi dalawang lion na katumbas ng P40,000, at ang pinakamataas na gift na Tiktok Universe na P30,000.
Samantala, kumita na ng aabot sa P100,000 si Jose Marnie Saez ng Cavite City dahil lamang sa kaniyang pagtulog sa Facebook live.
Ang kaniyang suot, minsan nakapantulog pero kadalasang naka-superhero costume.
Sa kaniyang live na pagtulog, nakukunan si Saez na paiba-iba ng posisyon sa higaan ngunit madalas siyang napapanood na humihilik.
Taong 2020 nang naisipan ni Saez na i-live ang kaniyang pagtulog.
“I have a live-in partner for almost 5 years po, kasama ‘yung anak namin. Naghiwalay pala kami noon and then gusto ko labanan ‘yung depression and anxiety ko noon and gusto ko ipakita na nakakatulog ako nang maayos,” sabi ni Saez.
Hindi inasahan ni Saez na magiging viral siya. Ang kaniyang unang live video, umabot ng halos dalawang miyong views sa Facebook.
Nang minsang matulog si Saez sa ibang lugar nang naka-costume, nakalaboso siya nang dahil sa curfew.
Sa kabila nito, may ilang basher din si Saez. Ngunit kahit tulog, umaabot ang buwanang kita ni Saez ng P30,000 hanggang P50,000. At kapag sumagad pa, aabot na ito ng halos P100,000.
Dahil dito, nagbitiw na sa kaniyang trabaho sa isang shipping company si Saez para maging full-time sa paggawa ng content.
“Mas marami na akong time sa pamilya ko. Napagawa ako ‘yung buong kuwarto ko… Nakapag-invest ako ng gaming rig ko for streaming ko and then ‘yung phone ko po,” sabi ni Saez.
Tunghayan sa KMJS ang paliwanag ng isang psychiatrist at ng isang professional career and life coach tungkol sa pagiging content creator, at ang pros at cons nito. -- FRJ, GMA Integrated News