Nabahala ang mga residente sa isang subdibisyon sa Las Piñas City dahil sa masangsang na amoy at nilalangaw mula sa likod ng isang nakaparadang kotse. Nang buksan ng mga awtoridad ang sasakyan, tumambad ang panis na ulo ng lechon baboy.
Rumesponde ang mga pulis nang nakatanggap sila ng sumbong tungkol sa masangsang na amoy na nanggagaling sa isang kotseng walang driver at nakaparada sa gilid ng kalsada sa Barangay Talon Dos.
“Kasi po ang amoy ng karne ng baboy at karne ng baka ay katulad din ng sa tao," ayon kay Police Colonel Jaime Santos, hepe ng Las Piñas City Police.
May iba pang pagkain na nakita sa kotse, maging ang isang baril, alak, ID, at iba pang personal na gamit.
Napag-alaman na inaresto ng madaling araw ang driver ng kotse nang makagirian nito ang security guard ng subdivision.
Nadaan naman sa areglo ang gusot nito sa guwardiya kinalaunan.
Pero ayon sa pulisya, ibe-verify pa nila ang mga dokumentong ipinakita ng lalaki, kabilang na ang lisensiya sa baril.
Ayon kay Santos, magkakaroon sila ng case build up kasama ang Prosecutor’s Office at maghahain ng reklamo laban sa driver dahil sa paglabag sa Republic Act 10591, o batas patungkol sa pag-iingat ng baril.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang driver. -- FRJ, GMA Integrated News