Mataranta sa paghahanap ang isang mag-asawa nang biglang "maglaho" ang kanilang anak na dalawang-taong-gulang na kasama lang nilang naglalaro. Pero ang kaba, biglang napalitan ng tawa.

Sa ulat ni JP Soriano sa GTV Balitanghali nitong Biyernes, ipinakita ang kuha ng CCTV camera sa loob ng bahay ng pamilya Garcia.

Sa video, makikita ang mag-asawang Dhan at Erika, na abala sa pag-aayos ng kanilang labada. Habang ang anak nilang si Lucas, nasa tabi nila na busy naman sa paglalaro.

Pero hindi nila napansin na pasimpleng nagtago sa loob ng nakataob na laundry basket si Lucas.

Kaya naman sa isang iglap, biglang naglaho si Lucas.

Nataranta ang mag-asawa nang nawala si Lucas at napakaripas sila nang takbo sa labas para silipin ang bata.

Pero nang bumalik si Erika sa loob ng bahay, napansin niyang gumalaw ang basket at nakita niya si Lucas.

Kaya naman ang pag-aalala nila, napalitan ng tawa at tanggal din ang pagod nila.--FRJ, GMA Integrated News