Natagalan at ilang ulit na dumapa at nagpaikot-ikot ang isang laboratory technician sa Shanghai, China bago nahanap ang isang dagang nakawala na nasa kanyang likod lang pala.

Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing namroblema ang lab tech matapos makawala ang ilang daga na kanilang pinag-aaralan sa laboratoryo.

Sinuri pa ng lab tech ang mga sulok at ilalim ng estante, at inisa-isa rin ang mga container at gamit sa lab para mahanap ang daga.

Inulit din niya ang pagbibilang sa mga daga para masigurong hindi siya nagkamali.

Makalipas ang mahabang oras na paghahanap, nakita niya rin ang daga na lumitaw sa kaniyang balikat.

Viral ang video dahil sa tila "Tom and Jerry" cartoon na eksena ng lab tech at ng daga.

Hindi naman sinabi ng laboratoryo kung para saan ang mga dagang kanilang pinag-aaralan. — Jamil Santos, GMA Integrated News