Bukod sa hindi na kinakapos sa pera, may bahay at sasakyan na ang dating janitor na naisipang gawing negosyo ang hilig niya sa chicharon. Mula sa P7,000 na puhunan, kumikita na siya nang hanggang P200,000 kada buwan.
Sa programang "Pera Paraan," sinabi ni Wyeth Nobleza na mas gumaang ang kaniyang oras at bulsa mula nang magnegosyo.
Iba't ibang trabaho na kasi ang pinasukan ni Nobleza gaya ng pagiging janitor.
"Mahirap maging employee sir isang kahig isang tuka. Hindi pa dumadating ang sahod mo, ubos na," sabi niya.
Kapag kapos noon sa pera, ang chicharon na halagang P20 ang ginagawa niyang ulam na may kasamang suka.
Dahil certified chicharon lover, naisipan ni Nobleza na magluto at magtinda ng chicharon. Nanood siya ng mga video sa internet kung paano ang dapat gawin.
Nakakuha rin siya ng inspirasyon sa negosyanteng itinampok noon sa programang "Pinasarap" ni Kara David para ituloy ang kaniyang planong pasukin ang pagtitinda ng chicharon.
Sa puhunan na P7,000, sinimulan ni Nobleza ang kaniyang chicharon business. Bumibili siya ng 10 kilo ng balat ng baboy kada ikatlong araw.
Ang kinikita noon ni Nobleza na P1,200 hanggang P1,500, pinagulong niya hanggang sa lumago ang kaniyang negosyo.
Mula sa 10 kilo, ngayon, tone-tonelada na ang nilulutong chicharon ni Nobleza. Walong porsiyento nito ay nanggaling pa sa bansang Spain.
"Madaling lutuin saka mas mabango. So napagtanto ko mas alaga ang baboy sa ibang bansa," ani Nobleza. "Maganda yung lambot saka yung linamnam ng baboy nila."
Dahil sa sarap ng timpla at magandang packaging, tinangkilik ng mga tao ang kaniyang chicharon na ibinebenta niya online. Nagkaroon na rin ng mga re-seller ang kaniyang produkto.
Payo ni Nobleza, matutong mag-ipon para may magagamit na puhunan kung biglang may maiisip na negosyo.
Pero ano nga ba ang dapat gawin para makuha ang malutong at malinamnam na chicharon? Panoorin ang video ng "Pera Peraan." --FRJ, GMA Integrated News