Kahit wala na ang kanilang padre de pamilya, tinupad pa rin ng magkakapatid na content creators na sina Gavin, Allen, at Kelzy Capinpin ang pangarap na tatlong bonggang bahay na kanilang ginawang sorpresa sa kanilang ina bilang birthday at Christmas gift.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nakatayo ang naturang mga bungalow sa 3,500-square meter na lupain sa Cabanatuan City. Mayroon itong swimming pool, jacuzzi, home theater, at glass house.
"Tatlo 'yung bahay na gusto rin po ni Papa saka ni Mama para kahit magkakahiwalay kaming bahay, magkakalapit pa rin po kami," ayon kay Gavin.
Tumagal ng anim na buwan ang kanilang sopresa mula nang mabili nila ang lote noong May 2023.
Ayon sa kanilang ina na si Beth, inakala niya noong una na ipina-prank lang siya ng kaniyang mga anak, na kilala sa kanilang mga content.
Sa magkakapatid, si Gavin ang unang gumawa ng vlogs sa pamilya. Naging inspirasyon niya ang content creator na si CongTV.
"Siya po talaga dahil nakita ko po kung paano po siya nagsimula at kung paano po siya ngayon. At lahat po ng ginagawa kong inspirasyon galing po sa nangyari kay CongTV," saad ni Gavin.
Noong una, ang kaniyang girlfriend ang kasama niya sa vlog. Pero nang magkaroon ng pandemic na bihira silang magkita, naisipan niyang isama na ang kaniyang mga kapatid.
Ang kanilang unang content bilang magkakapatid, ang maghugas ng pinggan na hindi niya inakala na aabot sa 5.2 million ang video views.
"Nu'ng una talaga mahirap kasi wala sa wisyo namin. Kahit ako, nahihirapan akong mag-vlog. Then, nu'ng try kako natin 'yung ginagawa lang natin na araw-araw." kuwento niya.
Ayon kay Allen, sinusuhulan sila noon ni Gavin para sumama sila sa vlog.
Inihayag din ng magkakapatid na humuhugot din sila ng inspirasyon sa kanilang namayapang ama na si Pedro, na pumanaw noong 2022 dahil sa karamdaman.
Binalikan ni Gavin, isang guro, ang hirap na kanilang naranasan para tustusan noon ang pagpapagamot ng kanilang ama.
"Ang ginawa ko nu'n, nag-resign na ako bilang private teacher at saka ang plano ko nu'n is magbenta ng turon at lumpia kasi doon, makakakita kaagad ako ng pera. Hindi na ako maghihintay ng kinsenas, katapusan, puwede na akong kumita kaagad oramismo," saad ni Gavin.
Kahit hindi pa kumikita noon ang mga content nila, hinikayat sila ng kanilang ama na ipagpatuloy lang ang kanilang ginagawa.
Sabi ni Kelzy, ang kanilang ama ang kanilang unang supporter.
Naging content din nila ang pagpanaw ng kanilang ama, na ayon kay Gavin, ayaw sana niyang gawin pero ang ama nila ang nagbilin noong nabubuhay pa ito.
"Pero 'yun po 'yung hiling niya. Binibiro niya ako na, 'Kapag namatay ako, i-vlog mo ko.' Para hindi siya makalimutan. 'Yung binayaran namin sa funeral halos nasa 140,000 to 150,000. Nagulat kami nu'ng kinita ng video na 'yun nasa 150,000," sabi ni Gavin.
Ayon kay Gavin, nangungupahan lang sila noon ng bahay sa loob ng dalawang dekada. Kung minsan, hirap silang mabayaran ang kanilang renta.
Kaya nangutang ang kanilang ama para magkaroon sila ng sariling bahay. Hindi pa ganap na tapos ang bahay nang lumipat sila, at ilang taon pa ang lumipas bago nila napaglagyan ito ng tiles.
Dahil sa naturang karanasan kaya naisipan ng magkakapatid na magpagawa ng magandang bahay para sa kanilang ina.
Ayon kay Gavin, inilagay din nila sa bagong bahay ang mga plano noon ng kanilang ama. At sa bawat sulok ng bahay, may standee ng kanilang ama para lagi nila itong maaalala.
"For example, may bilyaran," ani Gavin. "Si Papa, mahilig magbilyar. Mayroon ditong tambayan. And makikita n'yo po dito, glasshouse, 'yung tanggapan ng mga bisita para medyo pormal. Meron din po tayo d'yang theatre room kapag manonood. Pinilit namin na malaki 'yung bakuran kasi 'yun 'yung pinakagusto namin na paglabas namin, feeling namin nasa labas kami pero secured kami."
Kaya naman si Beth, hindi mapigilang maiyak sa sorpresa ng mga anak.
"I'm really proud of my sons. They really gave their all, and made me feel so loved," sabi niya. —FRJ, GMA Integrated News