Napilitang bumalik ng airport sa Oregon, USA at mag-emergency landing ang isang eroplano dahil biglang tumalsik ang bahagi nito na may bintana habang nasa ere.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing na-depressurized ang eroplano dahil sa nangyaring "butas" sa eroplano na may sakay na 177 pasahero at anim na crew.
Kaka-take-off pa lang ng naturang eroplano na Boeing 737 Max-9 aircraft ng Alaska Airlines pero kinailangan nilang bumalik sa Portland International Airport sa Oregon.
Maayos namang nakalapag ang eroplano at ligtas ang lahat ng sakay nito. Pero maraming flights ng Alaska Airlines ang kinansela na nakaapekto sa mahigit 23,000 pasahero.
Kaya naman humingi ng paumanhin ang airlines sa nangyaring insidente.
Tiniyak din nila na makikipagtulungan sila sa isasagawang imbestigasyon kung bakit biglang natanggal ang naturang bahagi ng fuselage ng eroplano.
Pansamantalang ipinagbawal din na lumipad muna ang 65 eroplano nila na kaparehong modelo ng nagka-aberyang Boeing 737 Max-9 aircraft.
Sa ulat ng Reuters, sinabi ng US National Transportation Safety Board (NTSB) na nakita ang "key missing component" ng Boeing 737 MAX 9 jet sa bakuran ng isang bahay ng isang Portland school teacher na kinilala lang bilang si "Bob."
Labis na ikinatuwa ni NTSB Chair Jennifer Homendy, ang pagkakakita sa natanggal na bahagi ng eroplano para malaman kung bakit ito bilang naalis.
"Our structures team will want to look at everything on the door—all of the components on the door to see to look at witness marks, to look at any paint transfer, what shape the door was in when found. That can tell them a lot about what occurred," anang opisyal.-- FRJ, GMA Integrated News