Inihayag ng Philippine National Police (PNP) na bumaba ng walong porsiyento ang crime rate sa Pilipinas mula Enero hanggang Oktubre 2023, kumpara sa kaparehong panahon noong 2022.
Sa kabila niyan, marami pa ring karumal-dumal na krimen ang naganap at nagpagimbal sa marami.
Nag-viral ang video sa social media nang paslangin sa bumibiyaheng bus sa Carranglan, Nueva Ecija ang mag-live-in partner na sina Gloria Atilano at Arman Bautista noong nakaraang Nobyembre.
Binaril ng dalawang suspek ang mga biktima na kaagad nasawi dahil sa tinamo nilang tama ng bala.
Nakatakas ang mga suspek, pero nahuli kinalaunan ang isa sa kanila na si Allan Delos Santos. Inamin umano ng suspek ang krimen at itinuro nito ang anak ni Atilano na utak at nagbayad daw sa kanila para patayin ang dalawa.
Lumitaw sa imbestigasyon ng pulisya na nagkagalit ang mag-ina, at kinasuhan ng ginang ang kaniyang anak ng carnapping. Giit naman ng abogado ng anak, nagkaayos na ang mag-ina bago mangyari ang krimen at itinatanggi ng kaniyang kliyente ang paratang.
Pagsabog sa isang unibersidad sa Marawi
Binulabog ng pagsabog ang isang misa sa Dimaporo Gymnasium sa Mindanao State University sa Marawi City noong December 3. Nagresulta ito sa pagkasawi ng apat katao, at ikinasugat ng 39 na iba pa.
Dalawang miyembro ng Dawlah Islamiyah-Maute Group na sina Kadapi Mimbesa, alyas “Engineer” at Arsani Membesa, alyas “Khatab,'' ang naging suspek sa krimen.
Naaresto kinalaunan sina Jaffar Gamo Sultan, at isang Kurot, na umano'y may partisipasyon sa nangyaring pagpapasabog. Dalawang iba pa ang sunod na nadakip na hinihinalang bahagi rin ng nangyaring pag-atake sa mga sibilyan.
Namatay sa hazing, tinangkang ilibing
Nakita naman noon Pebrero sa isang mababaw na hukay sa Imus, Cavite ang katawan ng 24-anyos na chemical engineering student ng Adamson University na si John Matthew Salilig.
Sampung araw na noon na nawawala si Salilig, na miyembro ng Tau Gamma Phi chapter sa Zamboanga, at sumailalim umano sana sa welcoming rites sa Adamson chapter sa Biñan, Laguna.
Sa testimonya ng isa sa mga suspek, nasa 70 palo umano ng paddle ang tinanggap ng biktima mula sa 18 katao na bahagi ng welcoming rites.
Nalampasan ni Salilig ang welcoming rites pero nakaranas umano ito ng seizure pero hindi dinala sa ospital at namatay kinalaunan. Labing-isa katao ang sinampahan ng kaso sa nangyari kay Salilig.
Gobernador na niratrat sa bahay
Nagulantang ang marami nang lumabas ang video kung papaano pinasok ng mga suspek ang bahay ni Negros Oriental Governor Roel Degamo sa Pamplona, at pinagbabaril ang lokal na opisyal at iba pang nasa loob ng bakuran nito.
Bukod kay Degamo, siyam na iba pa ang nasawi, at ilan ang sugatan. Nasa anim katao ang suspek na nagpanggap na militar kaya pinayagang makapasok ng gate. At nang makapasok na, nagsimula na silang magpaputok ng baril.
Itinurong utak sa krimen ang pinatalsik na si Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr. Mariin naman niyang itinanggi ang alegasyon.
Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin bumabalik ng bansa si Teves. Inilagay din ng Anti-Terrorism Council (ATC) ang dating kongresista at 12 iba pa bilang "terrorist."
Hindi pa rin malinaw kung nasaan na si Catherine Camilon, ang 26-anyos na guro at beauty contestant na mula sa Tuy, Batangas, na nawala mula pa noong October 12.
Sinampahan ng reklamong kidnapping at serious illegal detention ang dati nitong karelasyon na si Police Major Allan de Castro. Kasama rin ang sinasabing tauhan ng pulis na si Jeffrey Magpantay, at dalawang iba pa.
Ayon sa pulisya, lumabas sa kanilang imbestigasyon na nais nang makipaghiwalay ni Camilon kay De Castro, na pamilyado na. Batay sa mga inilabas na pahayag ng pulisya, itinanggi ni De Castro na may kinalaman siya sa nangyari kay Camilon.
Radio anchor na binaril habang naka-livestream
Noong nakaraang Nobyembre, binaril at pinatay ang 57-anyos na radio anchor Juan Jumalon, alyas Johnny Walker habang nagpo-programa at naka-live stream mula sa kaniyang bahay sa Calamba, Misamis Occidental.
Nagpanggap ang mga suspek na may mahalagang ipapa-anunsyo sa programa kaya nakapasok sila sa gate. Nang makapasok, tinutukan ng isang salarin ang tao sa labas, habang pumasok sa bahay ang isa pa, at binaril nang malapitan ang biktima.
Tinangay pa ng salarin ang kuwintas ni Jumalon bago tumakas. May alok na P3.7 milyon na pabuya sa makapagtuturo ng kinaroronan ng mga salarin.
Binatilyong napagkamalan ng mga pulis
Nabaril at napatay naman ng mga pulis ang 17-anyos na si Jemboy Baltazar sa Navotas, matapos na mapagkamalan umano na suspek na kanilang tinutugis sa kasong pagpatay.
Nasa bangka at papalaot sana si Baltazar kasama ang isang kaibigan nang dumating umano ang mga pulis at pinapasuko ang dalawa.
Ayon sa kuwento ng kaibigan, itinaas nila ang kanilang kamay pero nagpaputok umano ang mga pulis at nahulog sa tubig si Baltazar.
Inalis sa kanilang puwesto ang 27 pulis ng Navotas City Police Substation 4 dahil sa insidente. Kinalaunan, iniutos ng Navotas City court ang padakip kina Police Executive Master Sergeant Roberto Balais Jr., Police Staff Sergeant Gerry Maliban, Police Staff Sergeant Antonio Bugayong, Police Staff Sergeant Nikko Esquilon, Police Corporal Edmark Jake Blanco, at Patrolman Benedict Mangada.
Sumuko ang mga pulis na nahaharap sa kasong murder.
Bangkay ng bata sa loob ng washing machine
Naging malungkot ang wakas sa paghahanap sa nawawalang batang lalaki na apat na taong gulang nang makita ang kaniyang bangkay sa loob ng washing machine.
Nagtamo ng matitinding sugat ang biktima, at suspek sa krimen ang 15-anyos niyang tiyuhin.
Ang mismong ina ng suspek ang nakadiskubre sa bangkay ng bata, at siya na rin ang nagsuko sa kaniyang anak sa mga awtoridad.
Nasa kostudiya ng social welfare and development office ng lungsod ang suspek. Nakasuspinde ang pagdinig sa kaniyang kasong murder hanggang sa sumapit ang suspek sa edad na 18.
Mga kasambahay na pinatay
Dalawang magkahiwalay naman ng pagpatay sa kasambahay ang nangyari sa Rizal at Davao City.
Sa Cainta, Rizal, nadiskubre noong Hulyo na nakasiksik sa plastic na drum ang katawan ng biktima na si Maribel Vilma Bascal, 42-anyos, na naunang iniulat na nawawala.
Nadiskubre ang katawan ng biktima nang magsimula nang mangamoy ang katawan nito. Una umanong idinahilan ng babaeng amo na patay na hayop lang ang umaalingasaw.
Suspek sa krimen ang anak ng amo na hinihinalang nagkaroon ng komprontasyon sa biktima na humantong sa krimen. Pinaniniwalaang nakalabas na ng bansa ang suspek habang nagbanta ang pulisya noon na kakasuhan ng obstruction of justice ang ina ng suspek.
Sa Davao City naman, nahuli-cam ang 70-anyos na babae noong Hunyo na may hinahatak na tila basura na nakasakay sa trolley. Kinabukasan, nakita ang bangkay ng biktimang si Shiela Lagsaway, sa gilid ng kalsada na hindi kalayuan sa bahay ng suspek.
Matapos makonsensiya, inamin umano ng suspek na si Nenita Pagatpatan na siya ang pumatay sa biktima na kaniyang kasambahay, base sa lumabas na ulat.
Sa imbestigasyon ng awtoridad, napagalitan umano ng suspek ang biktima at pinalo niya ito ng kahoy sa ulo. Nakita rin sa loob ng bahay ang naturang kahoy na sinasabing ginamit sa krimen.
Noong Hulyo, isang bangkay ng babae ang nakitang isiniksik sa loob ng karton na iniwan sa gilid ng kalsada sa Cebu City.
Kinalaunan, natukoy na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima na si Rhea Mae Tocmo, 19-anyos na mula sa Davao de Oro.
Dalawa ang naging suspek sa krimen na sina Simeon Cabutero, at Roberto Gabison. Sa imbestigasyon ng pulisya, itinuro ni Cabutero si Gabison, na siyang umanong nag-utos sa kaniya na ibenta ang cellphone ng biktima.
Handa pa raw na tumayong testigo si Cabutero sa krimen laban kay Gabison. Pero sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, idineklara ng mga awtoridad na si Cabutero at hindi si Gabison ang pumatay sa biktima.
Kalunos-lunos din ang sinapit ng isang 13-anyos na babae sa Pili, Camarines Sur na nakita ang bangkay sa loob ng sako na itinapon sa ilog.
Ang mismong ama ng biktima na naghahanap sa anak ang nakakita sa bangkay ng dalagita na walang saplot pang-ibaba, ilang metro lang ang layo sa kanilang bahay.
Ang lumitaw na suspek sa krimen at naaresto ng mga awtoridad, ang construction worker na residente rin sa barangay at kaibigan pa mismo ng pamilya ng biktima. -- FRJ, GMA Integrated News