Sa halip na masayang Pasko, kamatayan ang sinapit ng isang babaeng overseas Filipino worker na kauuwi pa lang ng Pilipinas. Ang biktima, hinihinalang nadamay lang sa hidwaan ng dating magkarelasyon na kasambahay ng kaniyang kapatid sa Antipolo.
Sa ulat ni Emil Sumagil sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing hindi bababa sa 15 saksak ang tinamo ng 29-anyos na biktima na si Canice Minica Seming.
Nakita ang duguang katawan ni Seming sa loob ng bahay ng kaniyang kapatid sa isang subdibisyon sa Antipolo City.
"The worst Christmas ever. We were looking forward to having fun this Christmas," ani Jose Garcia, bayaw ng biktima.
Person of interest sa kaso ang dating trabahador sa pamilya Garcia na si Art Tondo.
Nakuhanan sa CCTV camera si Tondo na naglalakad sa subdibisyon nang gabing mangyari ang krimen. Nakita pa siyang may backpack at nagpupunas ng kaniyang kamay.
Ayon kay Garcia, "pinagbakasyon" muna niya si Tondo dahil na rin sa mga hindi magandang karanasan nito sa trabahador pagdating sa pera at ugali.
"I said it in a nice way na, magbakasyon ka muna... We already had some bad experiences with him sa pera, sa pagha-handle ng pera, pagha-handle ng tao, yung ugali niya mahirap pakisamahan, mayabang," ani Garcia.
Pero hindi pagnanakaw ang nakikitang motibo ni Garcia at ng pulisya sa nangyaring krimen.
"Kung pagnanakaw, bakit 'yung cellphone lang ni Canice ang nanakaw samantalang katabi niya sa katawan niya ay 'yung bag niya, andun 'yung wallet niya, andun 'yung card niya, andun pa nga pati yung passport niya eh," puna ni Garcia.
Ayon sa pulisya, lumitaw din sa kanilang imbestigasyon na nakikipagbalikan si Tondo sa isang kasambahay ng mga Garcia na dati nitong karelasyon.
"Binlock niya [si Tondo sa kanyang phone], so wala nang recourse 'yung [person of interest] kundi dumalaw kung saan siya ay kasambahay sa pinangyarihan ng krimen," sabi niPolice Lieutenant Colonel Ryan Manongdo, hepe ng Antipolo police.
Gayunman, wala umano ang kasambahay nang mangyari ang krimen, at posibleng ang biktima ang napagbalingan ni Tondo.
"Nadamay lang sa crime of passion 'yung biktima," hinala ni Mangondo, na sinabing dati nang nakulong si Tondo. — FRJ, GMA Integrated News