Sa halip na pumuti, lalo raw umitim dahil tila nasunog at nagkaroon ng pantal at sugat ang makulimlim na kilikili ng isang babae matapos siyang gumamit ng whitening cream na nakita niyang ibinebenta sa social media.
Sa programang “AHA!,” ikinuwento ng babae na nakilalang si Aica Celeste Zamora, na matagal bago siya makapili ng susuoting damit dahil hindi siya lumalabas ng bahay na naka-sleeveless.
“Kailangan ko talagang itago ‘yung kili-kili ko kasi once magsuot ako ng sleeveless kitang kita po talaga siya. Kahit t-shirt pero kapag maluwag ang manggas niya, makikita at makikita talaga once na maitaas lang kahit kaunti ‘yung kilikili ko,” sabi ni Zamora.
“Mas natatakot naman kasi ako na habambuhay ganoon na lang ‘yung kilikili ko na sobrang itim,” pagpapatuloy niya.
Dahil dito, sinubukan ni Zamora ang iba’t ibang produkto gaya ng whitening cream at deodorant na may whitening effect. Pero bigo siyang makamit ang maputing kilikili.
Hanggang sa may makita siya sa social media na isang produkto na nangangakong kaya nitong magpaputi ng maitim na kilikili.
Sa kaniyang unang gamit sa produkto, wala naman daw siyang naramdaman na masamang reaksyon sa kaniyang balat sa loob ng 24 oras.
Ngunit kinalaunan, nagpantal, nagsugat at tila nasunog na ang kaniyang kilikili.
“Everyday na palala nang palala hanggang sa nakikita ko na pasunog na talaga siya, and hindi na talaga ako nakakatulog kasi sobrang kati na siya,” kuwento ng dalaga.
Hindi lang si Zamora ang mga nabiktima ng mga whitening cream na napag-alaman na sobrang taas ng mercury content.
Ang pinapayagan lang ng Food and Drug Administration (FDA) Philippines na mercury content sa skin lightening products ay 1 PPM (parts per million). Pero ang ibang produkto na ibinebenta umano sa online, tiangge at iba pang supplier, umaabot sa mahigit 1,000 PPM.
“If naka-receive kayo ng ganitong produkto, itapon niyo na. It is a poison,” sabi ni Shea Tan, RCH, isang licensed chemist.
Ayon naman sa dermatologist na si Dra. Grace Carol Beltran, lalong umiitim ang kilikili ng mga Pilipino dahil sa kagustuhan nilang pumuti kaya kung ano-ano ang ginagawa at ipinapahid.
Kabilang dito ang paglalagay ng tawas, pagpapahit ng kalamsi, at kung ano-ano pa.
Dagdag ni Dra. Beltran, posible ring magka-allergy ang kilikili kung aahitin dahil mayroong nickel ang blade na pang-ahit.
Sa mga kaso naman ng mga obese, nagkikiskis ang dalawa nilang balat na lumilikha ng init, humidity at friction kaya lalong umiitim ang kili-kili.
Nang suriin ni Beltran ang kilikili ni Zamora, nakita niyang napahiran ito ng strong chemicals gaya ng mercury at arsenic.
“In fact nakaka-damage ng central nervous system, may neurological na side effect. Minsan nagkakaroon ka ng dementia, seizure,” sabi ni Beltran.
Sa kabila ng nangyari, naging bukas si Zamora na ibahagi sa social media ang mapait niyang karanasan para mabigyan ng babala ang iba.
“Maging awareness na rin na kailangan kapag gagamit ng mga beauty products kailangan i-check kung FDA approved, kung safe ba, kasi hindi na lang puwedeng basta na lang gamit nang gamit,” pahayag niya.
Payo ni Beltran, makabubuting subukan o i-test muna ang mga cream na ipapahid upang makita kung ano ang magiging reaksyon ng balat. Kung paano ito gagawin, tunghayan sa video ng AHA!-- FRJ, GMA Integrated News