Sa mga hindi inaasahang pagkakataon, biglang namamatay ang isang tao na hindi naasikaso o naihabilin nang maayos ang mga naiwan nilang ari-arian, tulad ng pera sa bangko na kaniyang pinaghirapan.

Paano nga ba ang proseso ng pagkuha ng naiwang pera sa bangko ng isang pumanaw? Puwede bang basta ito i-withdraw ng pamilya over-the-counter o kung alam naman nila ang pin code ng kaniyang ATM account?

Pulso ng masa

Sa ginawang pagtatanong ng GMA Integrated News, ilan sa ating mga kababayan ang hindi gaanong pamilyar sa proseso ng paghahabilin ng kanilang pera o investment sa bangko kung sakaling may masamang mangyayari sa kanila at humantong sa kamatayan.

Ayon kay Mel Buensalido ng Las Piñas City, nagbukas siya ng bank account dahil kinakailangan ito sa trabaho, at magiging mano-mano ang suweldo kung wala nito.

Ngunit kung tatanungin kung pamilyar siya sa prosesong gagawin ng pamilya para makuha ang kaniyang pera kung sakaling mamaalam siya, “Sa ngayon wala akong ideya. Dahil hindi ko naman naikukuwento pa sa kanila.”

Si Lea Bonaobra ng Muntinlupa City, nagbukas ng bank account para magkaroon ng access sa mga online needs. 

"At ang pinaka nag-push sa akin mag-open ay ‘yung kagustuhan ko na makapag-travel sa ibang bansa, ‘yun kasi isa sa major requirements,”  paliwanag pa niya.

Alam din ng kaniyang pamilya na may bank account siya, ngunit tungkol sa paraan para makuha ng kaniyang pamilya ang pera, ang sagot niya, “wala.”

Si Jen Cruz ng Parañaque City, nagbukas ng bank account  para malaman kung may pumapasok na "commission” mula sa kaniyang trabaho.

Alam din ng kaniyang pamilya na mayroon siyang mga bank account, ngunit wala siyang ideya kung paano nila makukuha ang laman ng mga ito kung sakaling dumating ang pangangailangan.

Si TJ Roxas ng Bulacan, nagbukas ng bank account para may paglagyan ng pera, savings at emergency fund. Alam ito ng kaniyang mga magulang.

“Ibigay sa kanila ang account details ko,” sabi ni TJ tungkol sa kaniyang plano para makuha ng kaniyang pamilya ang pera sa kaniyang mga bangko kung sakaling may hindi magandang mangyari sa kaniya.

Si Analyn Aquino naman na taga-Parañaque City din, may ideya tungkol sa paghahabilin ng naitabing pera sa kaniyang pamilya.

“Nagdesisyon akong magbukas ng bank account kasi for the past years hindi ako naging masinop sa pera and this time I want to be financially wise kasi hindi puro present lang ang iniisip kundi pati narin ang future. Disiplina na rin sa sarili sa paghawak at paggastos ng pera,” saad niya.

“Kasama sa orientation noong kumuha ako ng bank account for savings, insurance and investment ang procedures kung paano ma-claim ng pamilya ang pera or investment. At ang makakuha nu’n ay ang mga confirmed beneficiaries na inilagay ko sa mismong insurance, investment program na kinuha ko,” pagpapatuloy ni Aquino.

Ilan ang may bank account sa Pilipinas

Ayon kay Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remonola, lumabas sa isinagawa nilang financial inclusion survey noong 2021 na 56% ng mga nasa hustong gulang na ang may bank account. May malaking pagtaas ito mula sa 23% lamang noong 2017.

Kaya naman sinabi ni Remonola na kampante ang BSP na maabot nila ang kanilang target na magkaroon ng bank account ang 70% ng mga nasa hustong gulang pagdating ng 2023.

Samantala, inilahad ni Michael Ricafort, chief economist ng RCBC, ang kapakinabangan kung itatabi ng mga Pinoy ang kanilang pera sa bangko.

“Mas safe pa rin ang pera [sa bangko], kaysa iwan lang sa bahay. Kapag nandoon sa bangko, naka-secure ‘yon, ligtas palagi ‘yon kung ano man ang mangyari, magkasakuna. Kaysa ‘pag physically ‘yung cash, puwedeng mawala ‘yun eh,” sabi ni Ricafort.

“‘Yung common nga na sinasabi, iwan sa ilalim sa mattress. Hindi na uso masyado ‘yun kasi hindi rin safe, madaling mawala ‘yon. Kukunin lang ‘yon, or magkaroon ng disaster o kalamidad. Mas secure pa rin sa bangko,” pagpapatuloy niya.

Ilan sa mga deposit account na inaalok ng mga bangko ang savings, current, checking, at time deposit account.

Ang savings account ay maaaring sa uri ng ATM o passbook na magagamit ng mga empleyado, habang ang current account naman ay mas mainam sa mga transaksiyon ng mga negosyante.

Kaiba sa regular na savings account, mas mataas ang mga interest rate ng time deposit, at mas matagal ang holding period, mula isang buwan hanggang sa ilang taon.

Pagpapalago ng pera, pag-iwas sa mga scam

Ayon kay Ricafort, marami pang produkto ang mga bangko gaya ng mga investment o bancassurance para mapalago ng isang depositor ang kaniyang pinaghirapang pera.

Para maiwasan ang mga scam, kailangang pag-ingatan ng isang depositor ang mga personal na detalye tungkol sa kaniyang bank account, lalo na ang Personal Identification Number (PIN). Huwag ding basta ibigay ang one-time password (OTP), at iwasang mag-click ng mga link na humihingi ng mga personal na impormasyon.

Sa parte naman ng mga bangko, patuloy silang namumuhunan sa teknolohiya at cybersecurity para maprotektahan ang kanilang sistema mula sa hacking.
Sinabi ni Ricafort na may mga hakbang din ang BSP para maprotektahan ang deposito ng publiko at ang banking industry, lalo’t online na ang mga transaksiyon sa panahon ngayon.

Proseso ng pagkuha ng pera mula sa bank account ng yumao

Dumarating ang mga pagkakataon na pumapanaw ang isang depositor na hindi niya nasasabi sa kaniyang pamilya ang mga naiwan niyang pera at investment sa bangko.

Bukod sa proseso ng batas na dapat sundin tungkol sa pagkakahati-hati ng ari-arian, napipilitan din ang pamilya na mag-asikaso nito, gaya ng paghahanda ng mga kaukulang papeles at dokumento.

Ayon kay Ricafort, may prosesong sinusunod ang mga ahensiya ng gobyerno tungkol sa mga ari-arian ng isang yumao. Pagsasama-samahin ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang lahat ng kaniyang ari-arian, kabilang ang pera sa mga bank account, mga real estate at iba pang property na nakapangalan sa kaniya.

Pagkatapos nito, magkakaroon ng pagsusuri o assessment para makuwenta ang estate tax, na siyang babayaran bago makuha ng naiwang pamilya ang lahat ng kaniyang ari-arian.

Sa parte naman ng naiwang pamilya, may responsibilidad din silang magtanong sa bangko kung may mga naiwang pera ang kanilang yumaong mahal sa buhay.

“Dadaan sa proseso ‘yon. Masalimuot na trabaho, kasi meron pang publication ‘yan, tapos meron ding babayaran sa BIR, i-a-assess nila ang estate [pera o yaman] na naiwanan,” sabi ni Ricafort.

Kung sakaling walang miyembro ng pamilya ang mag-aasikaso ng ari-arian ng isang yumao, ang batas ang gagawa ng tungkulin nito.

“Kung hindi pa nakaayos ‘yan, ‘yung batas ang papasok diyan, kailangang maghati-hati ang maraming tao, napakatrabaho, napakagastos, napakatagal. Kung mayroong isang hindi pumirma roon, delayed ‘yan o baka hindi pa matuloy ang mga transaksiyon,” sabi ni Ricafort.

Ngunit noong 2018, naglabas ng circular ang Bureau of Internal Revenue na naglilinaw tungkol sa mga kakailanganin sa pag-withdraw mula sa bank deposit ng isang yumaong depositor nang hindi na kinakailangan ang electronic Certificate Authorizing Registration (eCAR), alinsunod sa Section 27 ng Republic Act (R. A.) No. 10963 o Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN), na inaamyendahan ang Section 97 ng National Internal Revenue Code (NIRC) of 1997.

Sa ilalim nito, maaaring mag-withdraw ng pera ang isang kamag-anak ng hanggang isang taon mula sa araw ng kamatayan ng isang yumao, ngunit isasailalim ito sa 6% final withholding tax:

"The executor, administrator, or any of the legal heir/s of a decedent who, prior to death, maintained bank deposit/s may be allowed withdrawal from the said bank deposit account/s within one (1) year from the date of death of the depositor/joint depositor but the amount withdrawn shall be subject to six percent (6%) final withholding tax."

Gayunman, hihingan ng bangko ang isang executor, administrator o legal na tagapagmana na magwi-withdraw na magpresenta ng kopya ng Tax Identification Number (TIN) ng ari-arian ng pumanaw at BIR Form No. 1904 ng ari-arian, na may tatak ng Revenue District Office (RDO) ng Bureau of Internal Revenue, alinsunod sa mga panuntunan sa pagkuha ng TIN.

Kapag naaprubahan, magbibigay na ang bangko ng BIR Form No. 2306 na magpapatibay sa 6% final tax.

Kung ang bank account naman ay nakapangalan sa dalawa o tatlo pang depositor, ang 6% withholding tax ay ipatutupad lamang sa parte ng yumao sa joint bank deposit.

Sinegunduhan ni Ricafort ang pagiging legal ng pagwi-withdraw ng isang kamag-anak ng pera mula sa bank account ng yumao kahit hindi pa nito napo-proseso ang mga hinihinging dokumento ng BIR.

“Nagluwag sila nang kaunti riyan, may probisyon. Basta within the realms of the law, walang problema. Bago lang ‘yun, para mas dynamic at expansive sa requirements ng mga tao para hindi sobrang strict,” saad niya.

“Meron silang ina-allow pagdating sa mga ganiyang bagay, pinagagamit ang resources ng pumanaw. May leeway, may threshold pambayad ng medical expenses. Siyempre hindi maiiwasan, nagkasakit, eventually pumanaw ‘yung tao… For humanitarian reasons, gastusin naman ‘yun para sa kaniya. Nakapangalan sa kaniya ang medical bill, tapos ang taxes ng estate niya,” pagpapatuloy ni Ricafort.

Pero maaari bang mag-withdraw ng pera sa ATM ang kaanak mula sa account ng yumaong depositor? Ayon sa isang bank manager na humiling huwag banggitin ang pangalan, maaari itong gawin ng kamag-anak.

Hangga't wala umanong nagbibigyan ng impormasyon sa bangko na pumanaw na ang may-ari ng account, hindi nito maisasara ang account at maaaring makapag-withdraw sa ATM ang kamag-anak kung alam niya ang pin number ng account.

"Let say asawa niya ang nakakaalam ng pin number ng account, magagawa ng asawa na magkapag-withdraw sa ATM. Pero once na na-inform ang bank na namatay na yung may-ari ng account o depositor, the bank will withhold the account. Kailangan din kasi niyang i-protect ang asset ng depositor para kung may maghahabol na heirs," paliwanag niya.

Dito, kailangan nang sumunod ng asawa sa maprosesong patakaran upang makuha ang pera o anumang investment ng kaniyang pumanaw na kabiyak sa bangko. Pero ayon sa source, may pagkakataon na niluluwagan ng bangko ang proseso kung hindi naman kalakihan ang perang naiwan ng pumanaw na depositor.

Paano kung hindi alam ng pamilya na may bank deposit ang pumanaw?

Sa kaso naman ng mga pamilya na hindi alam na may naiwan palang depositong pera sa bangko ang yumaong kamag-anak, may proseso pa rin ang bangko upang maipaalam sa kanila ang tungkol dito.

Paliwanag ni Ricafort, nagiging dormant ang isang bank account kung walang naganap na transaksiyon sa loob ng ilang taon. Dahil dito, magpapadala ang bangko ng sulat sa tirahan o billing address ng may-ari ng account tungkol sa estado ng kaniyang bank account.

Sa isang “worst case scenario” na wala nang nabubuhay na kamag-anak ang isang yumao para magmana ng kaniyang ari-arian, ang lahat ng kaniyang yaman ay mapupunta na sa gobyerno o “state.”

“‘Yun naman ang textbook approach sa mga abogado, mapupunta sa state kapag wala talagang heir,” sabi ni Ricafort, na idinagdag na ang Bureau of Treasury ang isa sa mga ahensiyang mag-aasikaso nito.

Ngunit ayon kay Ricafort, tinitiyak ng gobyerno na nasuri muna nito ang lahat ng mga kamag-anak na posibleng magmana ng ari-arian ng yumao, bago ito kunin.

“‘Yung batas maingat din naman sila, hindi naman nila iba-violate ‘yung ginawang batas. ‘Pag wala talaga, sisiguraduhin nilang wala nang heirs, doon pa lang kukunin ng state ‘yon. Kung meron, sasabihan ‘yung heir. Maaaring sa BSP rin ‘yun, dadaan din ‘yun sa regulator sa BSP,” sabi niya.

“Ultimo kahit may heirs ‘yan, kung hindi malaman, susulatan naman. Dapat talaga sasabihan ang bangko na namatay na as a matter of procedure. Pero pagka hindi nalaman, magse-send naman ng notice ‘yan sa address ng namayapa,” dagdag ni Ricafort.

Para iwas-aberya

Para maiwasan ang kung minsa’y masalimuot at maprosesong pag-aasikaso ng pamilya sa yaman ng yumao, binigyan-diin ni Ricafort ang kahalagahan na makapagsagawa ng estate planning ang isang tao bago siya pumanaw, kabilang ang paghahanda ng last will and testament.

“Dapat nakadokumento rin ‘yun para walang gulo,” sabi niya. “Para maayos, talagang pine-prepare ang lahat ng ‘yan, ina-anticipate. Kung saka-sakaling mangyari, merong last will and testament, hindi mag-aaway-away, mabilis ang proseso ng paglipat ng wealth imbes na matatagalan.”

Kung may last will and testament ang isang tao, maipaplano na niya agad ang mga gastusin at pambayad ng tax, at matitiyak pang may maiiwang yaman sa mga mahal niya sa buhay.

Sa parte naman ng naiwang pamilya, hinikayat ni Ricafort na maging “proactive” at magtanong sa bangko kung may mga naiwang pera ang kanilang kamag-anak.

“Kapag ang tao ay tumawid na sa kabilang buhay, siyempre dapat wala na ring sakit ng ulo ‘yung maiiwanan,” sabi ni Ricafort.

“Preparation is very important. Don’t leave it to chance. Hangga’t maaari, nakaayos po lahat ‘yan,” dagdag niya.-- FRJ, GMA Integrated News