Sa Facebook video, inihayag ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. na hindi "magpapatalo" ang Malacañan Palace pagdating sa mga kuwento ng kababalaghan kapag mga lumang gusali ang pag-uusapan.
Sa naturang video, nagbalik-tanaw si Marcos sa pananatili niya sa Palasyo noong kabataan niya at nakaupong pangulo ang kaniyang ama.
Kasama rin sa kaniyang kuwento ang kasaysayan ng Palasyo kung kailan ito ginawa.
Kuwento ni Marcos, ang isa sa mga guest room ang kaniya naging kuwarto noon na malapit sa state dining room (kung saan ginagawa ngayon ang Cabinet meetings).
"Gabing-gabi na. Umuwi ako. Sinasara ko lang 'yung pintuan mula du'n sa kuwarto ko. Pagbukas ko ba naman ng pintuan, nakita ko biglang gumalaw 'yung mga upuan," sabi ng pangulo.
"'Di nagsisisigaw ako dito at tumakbo ako... Sinabi ko sa security, 'May multo, may multo!'" natatawa niyang kuwento.
Katabi ni Marcos ang kaniyang anak na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos sa video para ibahagi rin niya ang kuwentong kababalaghan sa Palasyo.
Pero sabi ni Sandro, "I still find that hard to believe."
Ngunit tugon ng kaniyang ama, "Ay naku, it's true."
Ayon pa kay Marcos, may nagpapakita rin umanong multo sa Palasyo na tinatawag ng mga security personnel na si "Father Brown."
Nang alamin daw nila kung sino si Father Brown, nalaman nila na dati rin itong nagtrabaho sa Palasyo noong panahon ng mga Amerikano at tila "hindi na umalis."
May pagkakataon na ginigising umano ni "Fr. Brown" ang mga natutulog na tauhan sa dis-oras ng gabi, hanggang sa makasanayan na nila ito.
Bukod dito, may mga kuwento rin umano ng mga pinto na bumubukas at nagsasara na mag-isa. Ipinagtataka rin daw nila kung minsan kung bakit may bukod tangi na may isang chandelier na gumagalaw gayung sarado ang mga bintana.
Hindi rin daw maiwasan ni Marcos kung minsan na kilabutan kapag dumadaan siyang mag-isa sa pamosong hagdanan na papasok sa Palasyo dahil parang may nakamasid sa kaniya.
"Paatras tuloy ako paakyat dahil nakakatakot. Dahil alam niyo naman kung minsan pag naglalakad ka nararamdaman mo 'pag may nakatingin sa'yo o may sumusunod sa'yo,” sabi ni Marcos.
May pinto rin sa naturang hagdan, na batay sa kuwento ng isang guwardiya, nakita na lang niyang nakabukas kahit isinara na. At nang balikan niya, muling nagsara na mag-isa. -- FRJ, GMA Integrated News