Inulan ng pagbati si Rita Gaviola, na kilala rin bilang si "Badjao Girl," matapos ma-engaged sa kaniyang partner. Marami ring netizens ang nakisimpatya sa kaniya nang sabihan siya ng basher na bumalik na lang sa pamamalimos habang nagla-live selling.
Sa kaniyang Facebook acount, nag-post ng larawan ang dating reality TV star at online personality sa ginawang proposal ng kaniyang nobyo.
Sa larawan, makikitang nakaluhod sa harap ni Rita ang kaniyang partner at may hawak na singsing na tila ikinagulat niya.
“This is it,” saad ni Rita sa caption na may ring emojis.
Sa comments section, inilagay ni Rita na, “June 03 2025,” na may bride emoji.
Pinasalamatan ni Rita ang mga bumati sa kaniyang engagement.
Noong August 2022 nang ibalita ni Rita na isa na siyang ina. Nitong nakaraang Mayo, nagtapos naman siya ng senior high school.
Viral din ang video na makikitang emosyonal si Rita at nanginginig ang luha matapos siyang sabihan ng basher na bumalik na lang sa pamamalimos nang mag-live selling siya sa isang social media platform.
Sa kabila ng panlalait, nanindigan si Rita na proud siya sa kaniyang pagiging Badjao, at hindi niya ikinakahiya na maranasan ang mamalimos.
“Kahit bumalik ako sa pamamalimos ko, proud ako, naghirap ako. Dumaan ako sa mga ganoong proseso,” ayon kay Rita sa video.
"Sasabihin niyo sa akin bumalik ako sa pamamalimos ko? Bakit alam niyo ba ‘yung pinagdadaanan ko? Sinasabi ko sa inyo, lait-laitin niyo ko sa pagiging Badjao ko, proud ako," patuloy niya.
May binanggit si Rita na mayroon siyang pinagdaan na patungkol sa sakit.
Sinabihan niya ang basher na huwag maging mapanghusga at umalis na lang sa kaniyang page kung saan siya nagla-live selling.
"Sasabihin niyo bumalik ako sa pamamalimos dahil Badjao naman talaga ako, hindi ako nahihiya na naging Badjao ako, mas lalo akong naging proud,” patuloy niya.
Unang nasilayan ng netizen at marami ang humanga sa natural na ganda ni Rita nang makuhanan siya noon ng larawan habang namamalimos sa kalsada sa Pahiyas Festival sa Lucban, Quezon. -- FRJ, GMA Integrated News