Dahil galing sa hirap at itinaguyod ang kaniyang pamilya, alam daw ng isang vlogger ang pinagdadaanang pagsubok ng mga estudyante. Kaya naman ang mga ito ang napili niyang regaluhan ng mga gamit, kabilang na ang brand new na cellphone na magagamit nila sa pag-aaral.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” ipinakilala ang vlogger na si Anna Camille Naguit o Menggay na taga-Pulilan, Bulacan.

“Bata pa lang ako gusto ko nang magkaroon ng phone kaya lang hindi namin afford. Kaya ‘yung pinamimigay kong phone, sosyal,” masayang sabi ni Naguit.

Laki sa hirap si Naguit. Sa edad na 19, kinailangan niyang mangibang-bansa para itaguyod ang pamilya at ipagamot ang kapatid na may cancer.

Nang maging OFW sa Japan, mag-isa lamang siyang nabubuhay at bumubuhat ng container ng mga gulay.

Hanggang sa isang araw, naisip niyang mag-vlog.

Dahil alam niya ang hirap na dinadanas ng isang estudyante, ipinambili niya ng schools supplies ang kaniyang unang suweldo na kaniyang ipinamahagi sa mga mag-aaral sa kanilang lugar.

Kalaunan, pinasok ni Naguit ang pagnenegosyo hanggang sa makaluwag. Nang madagdagan ang kaniyang kita, cellphone na ngayon ang kaniyang ipinamimigay.

Pinipili ni Naguit ang mga mananalo sa pamamagitan ng comments at messages na kaniyang natatanggap.

“Random lang talaga. Lahat puwedeng manalo. Lahat puwedeng sumali,” sabi ni Naguit.

“Unang-unang tinitingnan ko, students talaga. Kailangan nila ng phone sa pag-aaral sa online class nila. Natutuwa ako nagse-send pa sila ng grades nila sa akin,” sabi ni Naguit.

Tunghayan sa KMJS ang naka-aantig na paghahatid ni Naguit ng cellphone sa isang estudyante sa Rizal. Gayundin ang kuwento ng iba pang nagbibigay din ng tulong sa iba. Panoorin ang video.--FRJ, GMA Integrated News